21,839 total views
Sinimulan ng House Infrastructure Committee sa pamumuno ni Chairman Terry Ridon ang pagdinig sa mga maanomalyang proyekto ng flood control.
Layon nitong tugunan ang panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na imbestigahan ang mga ghost, substandard, at overpriced projects.
Isa sa mga tinukoy ay ang P55-milyong ghost project sa Baliuag, Bulacan na dapat sana’y river wall, ngunit walang aktwal na nagawa.
“The threshold for plunder is fifty million pesos. This project is 55 million pesos. Plunder charges should be filed against all involved personalities in the soonest time,” ayon kay Ridon.
Kabilang din sa iimbestigahan ang mga substandard projects sa Calumpit, Bulacan na personal na nakita ng Pangulo na may sirang konkretong bahagi at nakalantad na kable.
Idinagdag ni Ridon na bibigyang pansin din ang mga undercapitalized firms na nakakakuha ng malalaking kontrata at iba pang proyektong binanggit ng Pangulo tulad ng sa Isabela at Benguet.
Giit ni Ridon, “Hindi mahalaga kung sinuman ang sangkot sa mga proyekto, kung mataas na opisyal man ng gobyerno yan, kontratista man yan, o kongresista o senador man yan, kung ghost, substandard o overpriced ang proyekto, sisiyasatin ng komite yan.”
Dagdag pa niya, layunin ng imbestigasyon na magsagawa ng reporma, kabilang ang pagbablacklist sa mga sablay na kontratista at paglahok ng pribadong sektor sa inspeksyon.
Giit ni Ridon: “Layunin nating patunayan sa bayan na mas marami pa ring mga opisyal at kawani ng gobyernong matapang, magaling, masipag, matibay at mabuti.”
Iminungkahi naman ni Las Pinas Rep. Mark Anthony Santos sa joint panel na mag-inhibit ang mga miyembro ng Kamara na may ‘conflict of interest’ kaugnay sa isinasagawang imbestigasyon sa mga sinasabing maanomalyang flood control projects ng DPWH.
Kabilang sa mga dumalo sa pagdinig si dating DPWH Sec. Manuel Bonoan at ilan pang opisyal kasama na ang mga regional at district director ng tanggapan, mga contractor na una ng pinangalanan ni Pangulong Marcos Jr.
Hindi naman dumalo sa pagdinig ang mag-asawang Sara at Pacifico Discaya-ang may ari ng Apha and Omega at St. Timothy General Contractor Company.




