349 total views
Mga Kapanalig, kung ang kabuuang kita ng ating bansa o national income ay hahatiin na parang bilog na cake at pagbabahaginan ng isandaang Pilipino, ang labing-apat na slices (o 14%) ay pagsasaluhan ng 50 Pilipino o kalahati ng grupo. Sila ang bottom 50 percent. Labimpitong slices naman (o 17%) ang mapupunta sa isang Pilipino, ang wealthiest one percent sa grupo.
Ganito katindi ang hindi pagkakapantay-pantay nating mga Pilipino pagdating sa kita o income. Bagamat batay sa datos ng World Bank noong 2022 ay nagawa ng ating bansang bawasan ang kahirapan, isa pa rin tayo sa mga may pinakamataas na income inequality sa Silangang Asya. Mga middle class ang bumubuo sa pinakamalaking bahagi ng ating populasyon sa ngayon, bagay na kasang-ayon naman sa layunin ng ating gobyernong maging middle-class society ang Pilipinas pagsapit ng 2040. Ngunit paalala ng World Bank, walang bansang naging middle-class habang nananatiling napakalaki ng agwat sa pagitan ng mayayaman at mahihirap.1
Sinu-sino ang wealthiest one percent na mas malaking bahagi ng cake ang nakuha kaysa sa natanggap ng bottom 50 percent?
Inilabas ng Forbes Magazine ngayong buwan ang World’s Billionaires List para sa taóng 2023. Sa listahang ito, labing-apat na Pilipino ang napasama. Sila ay mga negosyanteng yumaman—at patuloy pang yumayaman—mula sa pagtatayo at pagbebenta ng mga bahay, pagpapatakbo ng mga shopping malls, casino, at pantalan, o pagbebenta ng pagkain at inumin. Ang pinakamayaman sa kanila ay may net worth na 8.6 bilyong dolyar o tumataginting na 470 bilyong piso. Kung pagsasama-samahin ang kayamanan ng pinakamayayamang Pilipinong nasa listahan ng Forbes, aabot ito sa 41.4 bilyong dolyar o mahigit dalawang trilyong piso! Nakalululang kayamanan, hindi ba?
Samantala, milyun-milyong Pilipino ang namumuhay nang isang kahig, isang tuka. Maraming walang masilungan at nagtitiis na matulog sa bangketa at mga sulok ng mga lungsod. Maraming walang makain o mainom na malinis na tubig. Maraming walang hanapbuhay at umaasa na lamang sa limos na dadapo sa kanilang mga palad.
Sinasalamin ng mga katotohanang ito ang tinatawag ni Pope Francis na inequality crisis, isang krisis ng hindi pagkakapantay-pantay, isang krisis kung saan nasa kamay ng iilan ang kayamanang dapat pinagbabahaginan ng lahat. Ang krisis na ito, paliwanag pa ng ating Santo Papa, ay bunga ng paniniwala sa trickle-down economic policies, mga patakarang pinapaboran ang mayayaman sa pamamagitan ng hindi pagpapataw sa kanila ng malaking buwis at ng pagtulong sa kanila at sa kanilang mga korporasyon. Sa ganitong paraan daw, ang anumang matitipid ng mayayaman ay bubuhos sa mas nakararami sa pamamagitan ng pamumuhunan, paggastos, at iba pa.
Marami, kabilang si Pope Francis, ang duda sa ganitong uri ng ekonomiya. Sa halip na umapaw, ‘ika nga, ang mga benepisyo sa mas nakararami, mas lumaki pa ang lalagyan ng mga mayayaman upang mapasakanila pa rin ang kayamanan nila. Sa halip na makalikha pa ng mas maraming trabaho, mas marami pa rin ang walang katiyakan sa kanilang hanapbuhay at nakatatanggap lamang ng kakarampot na sahod. Sa halip na mas marami ang nakikinabang sa yamang nililikha ng mga negosyo, marami ang nawawalan ng kanilang sariling lupain o pinalalayas sa kanilang tahanan. Hindi ba nakaiiskandalo ang mga ito?
Mga Kapanalig, ang malaking agwat sa pagitan ng mayayaman at dukha ay patunay na hindi natin pinahahalagahan bilang isang bayan ang angking dignidad ng mga tao. Ngunit hindi pa huli ang lahat. Kung nagawa nga nating mabawasan ang kahirapan sa bansa, kaya rin nating gawing mas patas ang ating lipunan. Ang tanong: gagawin ba ito ng mga pinili nating mamuno sa atin na, gaya ng ipinahihiwatig sa Isaias 10:1-2, “gumagawa ng hindi makatarungang batas na umaapi sa mga tao at inaalisan ng karapatan ang mahihirap”?
Sumainyo ang katotohanan.