1,392 total views
Tutugunan ng kapanalig na himpilan ang kahilingan ni Marilyn Casas, taga-Pasig City na humiling na makatanggap ng sakramento ng binyag ang kanyang dalawang anak.
Nauna nang nanawagan si Casas sa Caritas in Action para sa pampagamot ng kanyang anak na sina Shane Mag-alasin, siyam na taong gulang na mayroong Stage 3 Lymphoma, Pneumonia seizure, at Acute gastritis; at Chanice Ivy Mag-alasin, walong taong gulang, na mayroon namang Bacterial meningitis, Pneumonia, at Cerebral Palsy.
Nabanggit ni Casas na hindi pa nabibinyagan ang kanyang mga anak dahil na rin sa kalagayan ng mga ito.
Nakatakdang binyagan ang dalawang bata sa San Sebastian Parish, Pinagbuhatan, Pasig City bukas, April 19, na pangungunahan ng kura paroko na si Fr. Feliciano Gutierrez.
Ito ang unang beses na makakapagkaloob ng binyag ang Radio Veritas sa pakikipagtulungan ng Caritas Manila at Caritas Pasig.
Ang Sakramento ng Binyag ang unang sakramentong iginagawad ng simbahan sa mga sanggol upang pawiin ang kasalanang orihinal.
Batay sa tala ng Vatican Statistical Yearbook of the Church noong 2019, pangatlo ang Pilipinas sa may pinakamaraming binibinyagan o katumbas ng humigit-kumulang 1.6 milyong mga batang edad pitong taong gulang pababa, at ikatlo rin sa pinakamaraming binyagang katoliko na aabot sa 89-milyon.