75,612 total views
Kapanalig, marami ang nagpapasalamat ngayon na may opsyon na tayong maka-work from home. Ang public transport sa ating mga syudad ngayon ay lubhang malupit na, lalo para sa mga maralitang Pilipino. Dahil sa iba iba ang uri ng ating kabuhayan, marami pa rin sa atin ang no choice – kapit patalim, kapit tuko sa uri ng public transport sa ating mga urban areas ngayon.
Kaya’t ang konsepto ng green transport, iisipin mo pa lang, ay parang malamig na inuming tubig sa gitna ng init ng tag-araw. Darating kaya ito sa ating bansa? Kailan kaya?
Ang green transport ay tumutukoy sa mga sistema ng transportasyon na mababa ang carbon footprint sa kapaligiran. Nagtataguyod ito ng mas malinis at mas sustainable na paraan ng pagbiyahe. Ligtas ito para sa lahat – makatao ito, makakalikasan, at maka Diyos.
Sa green transport, mas environment-friendly ang mga sasakyan. Mas dadami na ang sasakyan tulad ng electric vehicles (EVs) at hybrid cars na nakakatulong upang mabawasan ang emisyon ng greenhouse gases. Mangyari lamang nga sana ito sa Metro Manila na kilala sa matinding air pollution ngayon, ang laking pagbabago at ginhawa agad. Ang pagbabawas sa paggamit ng mga fossil fuel-powered vehicles magdudulot ng mas malinis na hangin, na magdudulot ng mas mabuting kalusugan para sa mga residente ng Metro Manila.
Tipid din sa enerhiya kapag laganap ang green transport sa bayan dahil sinusulong nito ang renewable energy sources. Ang mga EVs, halimbawa, ay maaaring i-charge gamit ang solar o wind power, na nagreresulta sa mas mababang dependency sa mga imported na krudo at mas mababang gastos sa enerhiya. Magbubukas din ito ng mga ng mga bagong oportunidad para sa trabaho at negosyo dahil ang industriya ng renewable energy at electric vehicles ay may potensyal na magbigay ng trabaho sa maraming Pilipino at magdala ng pamumuhunan sa bansa.
Sabay sa pagsulong ng mga non-motorized o hybrid transport, kailangan din sana natin isulong ang biking at walking bilang mga pangunahing paraan ng transportasyon. Hindi lamang ito eco-friendly, nakakatulong din ito sa pagpapabuti ng kalusugan. Ang pagtatayo ng mga bike lanes at pedestrian-friendly infrastructure ay maghihikayat sa mga tao na magbisikleta o maglakad papunta sa kanilang destinasyon.
Ang pagsulong ng green transport sa Metro Manila at iba pa nating urban areas ay kritikal para sa ating survival. Hindi lamang ito usapang aesthetic o pagtitipid, ito ay usaping katarungan at sustainable development. Ang pagsulong nito ay maaaring maging mahirap at nangangailangan ng kooperasyon mula sa lahat ng sektor ng lipunan, ngunit ang mga benepisyo nito para sa kalusugan, ekonomiya, at kapaligiran ay higit na mas malaki kaysa sa mga hamon na kakaharapin. Pukawin nawa tayo ng pahayag ng ating St. Pope John Paul II noong World Day of Peace noong 1990: Faced with the widespread destruction of the environment, people everywhere are coming to understand that we cannot continue to use the goods of the earth as we have in the past. Kapanalig, kailangan na natin ng pagbabago. Kailangan na natin ng green transport.
Sumainyo ang Katotohanan.