13,305 total views
Hinamon ng Kanyang Kabanalan Francisco ang bawat mananampalataya na yakapin ang buhay na puno ng pananampalataya at pag-asa, na nag-uugnay hindi lamang sa Diyos at kapwa, kundi maging sa sangnilikha.
Ayon kay Pope Francis, ang pagkakaroon ng pag-asa at pagkilos kasama ang sangnilikha ay nangangahulungan ng pamumuhay ng pananampalatayang nagkatawang-tao.
Ipinaliwanag ng Santo Papa na ito’y pagpasok sa paghihirap at pag-asa ng iba, kung saan ibinabahagi ang pag-asang muling pagkabuhay na itinakda para sa mga mananampalataya ng Panginoong Hesukristo.
Ito ang mensahe ni Pope Francis sa World Day of Prayer for the Care of Creation sa unang araw ng Setyembre, hudyat ng pagsisimula ng Panahon ng Sangnilikha o Season of Creation.
“In Jesus, the eternal Son who took on human flesh, we are truly children of the Father. Through faith and baptism, our life in the Spirit begins, a holy life, lived as children of the Father, like Jesus, since by the power of the Holy Spirit, Christ lives in us,” ayon sa Santo Papa.
Dalangin ng Santo Papa Francisco na sa pamamagitan ng pamamatnubay ng Espiritu Santo, ang pananampalataya at gawa ng tao ay mag-udyok upang higit na ipakita ang pag-ibig at pangangalaga para sa lahat ng nilikha ng Diyos, sapagkat ito ang landas patungo sa tunay at ganap na kabanalan ng buhay.
“In this way, our lives can become a song of love for God, for humanity, with and for creation, and find their fullness in holiness,” ayon kay Pope Francis.
Tema ng Season of Creation 2024 ang “To hope and Act with Creation” at simbolo naman ang “The First Fruits of Hope” mula sa sulat ni San Pablo sa mga taga-Roma.
Ipagdiriwang ito sa buong buwan ng Setyembre hanggang ikaapat ng Oktubre – kapistahan ni San Francisco ng Assisi, ngunit pinalawig ito sa Pilipinas hanggang ikalawang linggo ng Oktubre bilang paggunita sa Indigenous People’s Sunday.