63,828 total views
Mga Kapanalig, ngayon ang ikatlong State of the Nation Address (o SONA) ni Pangulong BBM.
Bago ang araw na ito, naging usap-usapan ang inilaang 20 milyon pisong budget para sa okasyong ito. Ayon kay House Secretary-General Reginald Velasco, ang budget na ito ay gagamitin daw para sa mga sumusunod: pagkain at inumin ng lahat ng staff, personnel, at mga bisita; tatlong set ng uniporme para sa 2,000 na secretariat; mga tauhan, kagamitan, at renovation para sa seguridad sa Batasang Pambansa; mga meeting bilang paghahanda ng mga ahensya; mga imbitasyon at giveaways para sa mga bisita; mga audio-vidual equipment; at mga halaman at bulaklak na pangdekorasyon.
Sa tingin ninyo, saan pa kaya aabot ang 20 milyong pisong ito?
Makapagpapatayo na ito ng walong silid-aralan, base sa itinakdang presyo ng Department of Education na 2.5 milyong piso para sa isang classroom. Kaya rin nitong bumili ng 400,000 kilong bigas, ayon sa Kabataan Partylist. Anila, “insensitive” daw ang napakalaking budget na ito para sa SONA, lalo na’t maraming Pilipinong naghihirap.
Hindi rin sang-ayon ang Kabataan Partylist sa pagbabawal sa mga dadalo sa SONA na magsuot ng mga damit na may political messages, gaya ng karaniwang ginagawa ng mga nasa oposisyon. Sabi ni House Secretary-General Velasco, hindi araw ng pagpoprotesta ang SONA. Nagbanta siyang maaaring arestuhin at idetine ang mga susuway. Hindi ito ikinatuwa ni ACT Teachers Partylist representative France Castro. Labag daw ang kautusang ito sa freedom of expression ng mga mamamayan.
Speaking of damit, sa taun-taong pagdaraos ng SONA, mistulang nagiging fashion event ito kung saan nagpapabonggahan ng damit ang mga dumadalo. Hindi iba ang SONA sa araw na ito, lalo na’t napangunahan na ito ng 20 milyon pisong gastos. Isa itong magarbong araw para sa pag-uulat tungkol sa estado ng ating bayan na maraming naghihirap at baon sa utang.
Ang SONA ay paraan ng pangulong ipresenta ang kasalukuyang sitwasyon ng bansa at ng mga mamamayan, pati ang mga nagawa at ginagawa ng pamahalaan. Hindi sana ang mga dekorasyon at kagarbuhan ng SONA ang main attraction, kundi ang mga tao at ang tunay na kalagayan ng bansa. Imbis na patahimikin ang mga nagpoprotesta, pakinggan din dapat ng pamahalaan ang daíng ng mga mamamayan, kahit hindi SONA. Huwag nating hayaang masilaw tayo ng kagarbuhan ng SONA at mabulag sa tunay na nangyayari sa ating bayan.
Taglay ng pamahalaan ang awtoridad na unahin ang kapakanan ng taumbayan. Ayon iyan sa Catholic social teaching na Immortale Dei. Tayong mga mamamayan naman ay may karapatan sa malayang pananalita o right to free speech. Kung gayon, gaya ng sinasabi sa Mga Kawikaan 31:8-9, “Ipagtanggol [natin] ang mga ‘di makalaban … Ipahayag [natin] nang malinaw ang katotohanan at ang katuwiran, at igawad ang katarungan sa api at mahirap.”
Mga Kapanalig, sa lahat ng ginagawa ng gobyerno, SONA man o hindi, dapat na malinaw sa atin kung paano nito inuuna ang kapakanan ng mga mamamayan. Wala rin dapat mga hadlang sa malaya at responsable nating pagpapahayag ng ating saloobin at opinyon, lalo na kung ang mga ito ay upang manawagan para sa mga panukala at programang magpapabuti ng kapakanan ng mga mamamayan.
Sumainyo ang katotohanan.