16,467 total views
Sampung parokya sa Diocese of Cubao ang lubhang naapektuhan ng pananalasa ng Super Typhoon Carina at hanging Habagat.
Ayon kay Cubao social action director, Fr. Ronnie Santos, pinakamatinding apektado ng nagdaang sakuna ang San Antonio de Padua Parish sa San Francisco del Monte at Most Holy Redeemer Parish sa Masambong sa Quezon City.
“Naglutangan po ang mga pews (upuan) po nila, so talagang matinding baha po ito. May mga ilang areas po na hindi pa tayo makapasok dahil baha, but for the meantime, nakaready na po ‘yung mga ibibigay nating tulong sa mga affected areas,” pahayag ni Fr. Santos sa panayam sa Barangay Simbayanan.
Pagbabahagi ni Fr. Santos na kumpara sa mga nagdaang kalamidad, nadagdagan ang mga lugar at parokyang nalubog sa baha.
Ikinababahala ng pari na marahil dahil ito sa iba’t ibang gusali at imprastrakturang itinatayo sa lungsod.
“May mga lugar na dating hindi binabaha ngayon ay binabaha. Nadagdagan ang mga parokyang binabaha marahil dahil sa mga bagong imprastrukturang itinatayo,” ayon kay Fr. Santos.
Samantala, ilang simbahan naman sa diyosesis ang nagbukas upang magsilbing evacuation centers ng mga pamilyang naapektuhan ng pagbaha.
Batay sa huling tala ng Caritas Cubao, nasa halos 2,000 pamilya o 9,000 indibidwal ang nagsilikas at ngayo’y nangangailangan ng tulong.
Panawagan ni Fr. Santos ang tulong-pinansiyal at in-kind donations tulad ng food packs, bigas, canned goods, maiinom na tubig, sleeping kits, at hygiene kits.
Sa mga nais magpaabot ng cash donations, maaari itong ipadala sa Metrobank Account na Roman Catholic Bishop of Cubao Inc, Our Lady of Perpetual Help Parish sa account number na 013-7-01354436-7.
Sa in-kind donations naman, maaari itong dalhin sa Our Lady of Perpetual Help Parish sa 13th Avenue, Cubao, Quezon City.
Para sa karagdang impormasyon, maaaring makipag-ugnayan sa facebook page na Our Lady of Perpetual Help Parish-OLPH o kaya nama’y kina Lawrence Laureta sa 0998-424-6773 o Fr. Ronnie Santos sa 0917-522-1890.