13,542 total views
Patuloy pa ring isinasantabi ng pamahalaan ang kapakanan at kaligtasan ng mga mahihirap na pamayanan upang pagtuunan ang pagpapalakas sa mapaminsalang industriya ng pagmimina.
Ito ang pahayag ni Alyansa Tigil Mina Chairperson Rene Pamplona kaugnay sa ikatlong State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Ayon kay Pamplona, dalawang taon makalipas umupo bilang punong ehekutibo ng Pilipinas, lalo pang isinusulong ni Pangulong Marcos ang pagbuhay sa sektor ng pagmimina sa bansa.
“Mining at all costs. Big business over marginalized communities. This is how the members of Alyansa Tigil Mina (ATM) sum up the two-year old administration of President Bongbong Marcos, Jr. concerning the mining industry,” ayon kay Pamplona.
Patuloy naman ang panawagan ng mga apektadong lugar tulad ng pagbabarikada ng mamamayan ng Brgy. Didipio sa Kasibu, Nueva Vizcaya, Sibuyan Island sa Romblon, Brooke’s Point sa Palawan, at Homonhon Island sa Eastern Samar, upang bawiin ang mining permits at tuluyang ihinto ang ilegal na operasyon ng pagmimina.
Sa kabila nito, isinasantabi pa rin ito ng administrasyon at iginigiit na makatutulong ang pagmimina sa ekonomiya ng bansa.
Sinabi ni Pamplona na mismong si National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan na ang nagsabi na noong katapusan ng 2023 ay umabot lamang sa 0.5 porsyento ang ambag ng pagmimina sa Gross Domestic Product (GDP) ng bansa.
Bukod naman sa large-scale mining, pinahihintulutan din ng kasalukuyang administrasyon ang seabed quarrying at offshore mining sa kabila ng ipinatutupad na moratoryo sa mga bagong aplikasyon.
Batay sa ulat ng mga apektadong pamayanan, pinalalabas na river dredging ang isinasagawang seabed quarrying sa Pangasinan, Zambales, Marinduque, Oriental Mindoro, Negros Occidental, at Cagayan, at hinihinalang gagamitin para sa reclamation project sa Manila Bay.
“Furthermore, unabated mining happens in the context of disastrous landslides in mining areas and in an escalating climate crisis. We have repeatedly stated that the destruction of the environment and the violations of the human rights of communities, especially those of indigenous groups, women and the youth, through mining and other extractive activities are simply unacceptable,” giit ni Pamplona.
Hinamon naman ng ATM ang mamamayan na manindigan para sa kapakanan ng mga apektado ng pagmimina, at papanagutin ang pamahalaan sa patuloy na pagpapahintulot sa mapaminsala at mapanganib na paraan ng pag-unlad.
Sa Laudato Si’, una nang nagpahayag ng mariing pagtutol ang Kanyang Kabanalan Francisco hinggil sa industriya ng pagmimina dahil nag-iiwan lamang ito ng labis na pinsala at paghihirap sa kalikasan at mga apektadong pamayanan.