13,869 total views
Nakiisa ang Caritas Philippines sa 10 Million Solar Rooftops Challenge bilang bahagi ng misyon ng Simbahan na pangalagaan ang kalikasan at itaguyod ang napapanatiling pag-unlad ng bansa.
Ang proyekto ay umani rin ng suporta sa Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) at sa ginanap na 41st National Social Action General Assembly (NASAGA) na nagpapakita ng paninindigan ng simbahan sa pangangalaga sa nag-iisang tahanan.
Layunin ng 10 Million Solar Rooftops Challenge na maglagay ng solar panels sa mga bubong ng bawat tahanan sa bansa, na makatutulong upang mapababa ang carbon emissions at maisulong ang mas luntiang hinaharap.
Ang inisyatibo ay inilunsad ng iba’t ibang advocacy group, kabilang na ang Center for Energy, Ecology, and Development (CEED) sa ginanap na Summit for Clean and Affordable Energy sa Quezon City.
“The initiative aims to significantly contribute to the nation’s renewable energy targets, reduce greenhouse gas emissions, and empower communities to become more climate resilient by fostering widespread adoption of solar rooftop systems,” ayon sa Caritas Philippines.
Naniniwala ang Caritas Philippines na ang inisyatibong ito ay mahalagang hakbang tungo sa pagkamit sa mga layunin ng ensiklikal na Laudato Si’ ng Kanyang Kabanalan Francisco.
Bukod sa Caritas Philippines, kabilang din sa nagpahayag ng suporta sa 10 Million Solar Rooftops Challenge ang Power for People Coalition (P4P), Reboot Philippines, at Ateneo de Davao University, WWF-Philippines.
Sa ginanap na NASAGA noong Hunyo, inaprubahan sa pamamagitan ng resolusyon ang kahalagahan ng paglipat sa renewable energy upang mabawasan ang epekto ng climate change.
Dito’y hinihikayat ang lahat ng diyosesis sa buong bansa na manguna sa pagtangkilik sa renewable energy, gayundin ang panawagan sa pamahalaan na pagtibayin ang mga batas at polisiya para sa enerhiya.
Bilang bahagi ng pagsuporta sa inisyatibo, maglalagay ang CBCP at Caritas Philippines ng mga solar panel sa mga pamayanang walang kuryente, tinitiyak na maging ang mga pinakaliblib na lugar ay makikinabang sa renewable energy.
“We implore all Filipinos, especially parishes and church-based organizations, to actively participate in this challenge by investing in solar power and advocating for its benefits within their communities. Together, we can forge a cleaner, greener, and more sustainable future for all,” panawagan ng Caritas Philippines.
Sa Laudato Si’ ni Pope Francis, hinikayat nito ang pagpapalawak sa paggamit ng renewable energy upang matugunan ang kakulangan sa kuryente, at palitan ang mga fossil fuels na nagdudulot ng pinsala sa kalikasan.