1,071 total views
Mga Kapanalig, alam ba ninyong ang kayamanan ng siyam na Pilipinong bilyonaryo ay mas malaki pa sa pinagsama-samang yaman ng 55 milyong Pilipino?
Tama ang inyong narinig. Sa report na inilabas ng Oxfam International na pinamagatang Survival of the Richest, lubha ngang matindi ang hindi pagkakapantay-pantay sa ating bansa kung ang pag-uusapan ay ang agwat ng mayayaman at mahihirap. Dagdag pa ng report, hindi kinakaya ng mahihirap na Pilipino ang maka-recover mula sa nagpapatuloy na epekto ng pandemya at nagtataasang presyo ng mga bilihin. Marami ang nagkakasakit at namamatay dahil hindi nila kayang magpagamot o magpaospital, at marami ring nagugutom dahil hindi nila kayang bumili ng sapat at masustansyang pagkain. Samantala, ang mayayaman sa ating bayan ay mas yumaman pa sa kalagitnaan ng pandemya.
Mula sa iba’t ibang negosyo at industriya ang kayamanan ng siyam na pinakamayamang Pilipino noong nakaraang taon. May mga may-ari ng malls, mga nasa pagtatayo ng private subdivisions at condominiums, at mga nagpapatakbo ng airlines at mga malalaking fastfood chains. Ang pinakamayaman ay ang magkakapatid na may kabuuang yamang 12.6 billion dollars o halos 690 trilyong piso! Ayon pa sa Oxfam, mula 2012, ang bilang ng mga Pilipinong ang kabuuang yaman ay hindi bababa sa limang bilyong dolyar ay umakyat sa 43.5%. Hindi ba nakapagtataka—at nakababagabag—na sa gitna ng matinding krisis pangkalusugan at pang-ekonomiya na kinaharap ng ating bansa, mayroon pa ring mga mas yumaman?
Kung bubuwisan ng gobyerno ang mga bilyonaryo at milyonaryo sa ating bansa—o ang tinatawag na wealth tax—sinabi ng Oxfam na makapangungulekta tayo ng mga 3.8 bilyong dolyar sa isang taon. Sapat na ang pondong ito upang madagdagan ang budget para sa mga batayang serbisyo gaya ng pagpapagamot na kailangang-kailangan lalo na ng mga kapus-palad.
Ngunit pikit-matang tinatanggap ng marami sa atin—kahit pa ang mga institusyong katulad ng pamahalaan at simbahan—ang lantarang hindi pagkakapantay-pantay sa ating lipunan. Marahil may mga nakikinabang sa kung paano yumayaman ang mayayaman o kaya naman ay hindi na natin pinakikialaman pa kung saan nanggagaling ang kanilang kayamanan. Nananatili tayo sa pananaw na kung magsusumikap at mananalig lamang tayo, aangat din
ang ating pamumuhay. Laganap pa rin ang paniniwalang nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa. Kung mamamatay tayong mahirap, kasalanan na raw natin iyon.
Bagamat malaking bagay ang pagsusumikap ng isang tao, hindi natin dapat kalimutang may mga kondisyon sa ating lipunang nagbibigay ng mas malaking pabor sa mga nakaririwasa na sa buhay at may impluwensya, habang kakaunting oportunidad naman ang binubuksan sa mga walang natapos sa pag-aaral, walang mga koneksyon, at walang kapit sa mga makapangyarihan.
At ito sana ang dapat na itinutuwid ng ating mga institusyon, lalo na ng gobyerno. Sabi nga sa Catholic social teaching na Pacem in Terris, dapat gawin ng Estado ang lahat ng magagawa nito upang itaguyod ang kabutihang panlahat o common good. At bagamat wala itong dapat pinapaboran na iisang sektor lamang, dapat nitong bigyang-tuon ang mahihirap at maliliit, sa ngalan ng katarungan at pagkakapantay-pantay.2 Konkretong halimbawa nito ang pagpapatupad ng mga patakaran sa pagbubuwis na magtitiyak na ang yaman ng bayan ay pinagbabahaginan at pinakikinabangan ng lahat. Ginagawa na ito sa ibang bansa. Ngunit sa isang bansang kinokontrol ng mayayaman at sakim, makaaasa ba tayo ng mga progresibong patakaran?
Mga Kapanalig, wika nga sa Mga Kawikaan 22:2, “kay Yahweh ay pareho ang mayama’t mahirap, ‘pagkat Siya ang may lalang sa kanilang lahat.” Hindi sapat ang ganitong pangaral sa isang masalimuot na realidad na magkalayung-magkalayo ang mga maykaya at ang mga dukha, ngunit unti-unti, umasa at kumilos sana tayo para sa isang bayang marunong magbahaginan at magkapatiran.
Sumainyo ang katotohanan.