25,743 total views
Mga Kapanalig, may krisis na kinakaharap ang sektor ng pangingisda sa bansa.
Taun-taon, tinatayang 45 milyong kilong isda ang nawawala sa ating karagatan. Sa pag-aaral ng Oceana gamit ang datos mismo ng gobyerno, lumabas na nasa 12% na lang ang ating fish stock. Halos ubos na ang mga isda! Patuloy na bumabagsak ang kabuuang produksyon ng isda—mula 2.6 milyong metriko tonelada noong 2010, bumagsak ito sa 1.9 milyon noong 2023. Ipinakita rin ng satellite monitoring na malawakan ang commercial fishing sa mga lugar na nakalaan sa mga tinatawag na municipal fishers.
Ayon kay Oceana Vice President Von Hernandez, may kalamidad na nagaganap sa ilalim ng dagat. Aniya, “Kung siyam sa bawat sampung palayan sa bansa ay walang ani, tiyak na tatawagin natin itong krisis.” Ganito rin ang nangyayari sa ating karagatan. Paubos na nga ang likas-yaman sa ating mga dagat, naghihirap pa ang mga mangingisda.
Ang Pilipinas ay isang kapuluang binubuo ng mahigit 7,000 isla pero sa kabila ng yamang-dagat na nakapaligid sa atin, bakit nananatiling mahirap ang mga nagbabantay at umaasa rito? Ipinapakita ng mga datos na mahigit 350,000 pamilyang mangingisda ang nabubuhay ngayon sa ilalim ng poverty line. Itinuturing silang mahihirap. Libu-libo sa kanila ang food-poor o kapos sa kakayanang tugunan kahit ang batayang pangangailangan sa nutrisyon. Kumakalam ang sikmura ng mga nagpapakain sa atin.
Dito malinaw ang paalala ng Kawikaan 29:7: “Kinikilala ng matuwid ang karapatan ng mahirap, ngunit ito’y balewala sa mga taong swapang.” Kung tunay nating pinahahalagahan ang dignidad ng bawat Pilipino, nararapat lamang na may pamahalaang makatarungan—isang pamahalaang inuuna ang mga higit na nangangailangan, katulad ng mga mangingisda. Kaya nanawagan ang Oceana kay PBBM na mag-utos ng agaran at transparent na imbestigasyon sa mga pagkukulang sa pagpapatupad ng mga batas-pangisdaan gaya ng Philippine Fisheries Code.
Ayon naman sa grupong PANGISDA Pilipinas, dapat magsilbing wake-up call ang datos na ito tungkol sa sektor ng pangisdaan. Sa mahabang panahong nariyan ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (o BFAR), wala silang nakikitang pag-unlad sa sektor. Patuloy na nauubos ang isda at nananatiling pinakamahirap na sektor ang mga mangingisda.
Ang nakalulungkot at nakababahala pa, may edad na ang ating mga mangningisda. Ang karaniwang edad ng isang Pilipinong mangingisda ngayon ay nasa 50 taong gulang, dahil parami nang parami ang kabataang tumatalikod sa pangingisda. Kung magpapatuloy ito, hindi lamang supply ng pagkain ang mawawala. Pati ang pamana ng sustenableng pangingisda ay unti-unting mabubura.
Sa kabila ng mga umiiral na batas at ng pagtatatag ng Fisheries Management Areas, patuloy na nasasapawan ang karapatan ng maliliit na mangingisda Noong 2024, pinawalambisa ng Korte Suprema ang 15 kilometrong hangganan ng municipal waters. Binuksan ang mga dagat na ito sa commercial fishing. Tahasang pinahihina nito ang karapatan ng maliliit na mangingisda sa sariling karagatan. Kung hindi natin kayang ipagtanggol ang pinakamahirap sa lipunan, masasabi ba nating tunay na pinahahalagahan ng ating gobyerno ang dignidad ng lahat?
Sa mga Catholic social teaching, malinaw ang panawagan para sa preferential option for the poor. Paalala ni Pope St. John XXIII, ang katarungan ay nangangahulugang mas binibigyang-pansin ng mga nasa kapangyarihan ang mahihina, lalo na ang mga hindi kayang ipagtanggol ang sarili nilang karapatan at interes.
Mga Kapanalig, nasa kamay ng pamahalaan kung tuluyang lulubog o patuloy na lalangoy ang sektor ng pangingisda. May sapat na mga batas ang Pilipinas upang pangalagaan ang ating mga karagatan at mga mangingisda, ngunit kulang ang political will at maayos na koordinasyon para ganap na maipatupad ang mga ito. Kailangan nating kumilos bago tuluyang malagay sa panganib ang seguridad sa pagkain ng bansa at bago lalo pang magdusa ang mga kapatid nating mangingisda.
Sumainyo ang katotohanan.




