2,097 total views
Kritikal na pag-iisip sa kritikal na panahon
Mga Kapanalig, ngayon po ay World Press Freedom Day, at ang tema ng pagdiriwang ngayong taon ay “Critical Minds for Critical Times.” Nais bigyang-tuon ng UNESCO ang papel ng media sa pagsusulong ng isang lipunang mapayapa, makatarungan, at walang isinasantabi.
Sa tulong ng teknolohiya, nalampasan na nga natin ang hamon kung paano pabibilisin ang paghahatid ng balita at impormasyon. Sa pag-usad ng panahon, ang mga tradisyunal na media gaya ng diyaryo, radyo, at telebisyon ay unti-unti nang nauungusan ng mga tinatawag na alternative media katulad ng mga websites, blogs, at social networking sites. Gamit ang internet, mas madali na nating malaman ang mga nagaganap sa ating paligid ora mismo o “in real time.” Hindi na natin kailangang hintayin ang balita mamayang gabi sa TV o bukas sa diyaryo. Isang click lang sa computer o smartphone, alam na ng marami sa atin ang balita.
Ngunit mabilis din nating natatanggap ang mga balita at impormasyong mula sa mga tao o grupong nais lituhin at impluwensyahan ang pananaw ng publiko para sa kanilang sariling agenda. Dahil malinaw na binabaluktot ng mga ito ang tamang impormasyon, tinatawag ang mga balitang ito na “fake news,” mga pekeng balita. Ito ngayon ang bagong malaking hamon sa media: Paano matitiyak na tama at may batayan ang mga balita at impormasyong natatanggap ng mga tao? Mahalagang wasto ang nilalaman ng mga balita upang mahubog nga ang mga “critical minds” sa yugtong ito ng “critical times.” Ngunit dahil marami ang hindi nagagawang suriing mabuti ang mga balitang natatanggap nila at saliksikin ang mga taong nagpapalaganap ng mga ito, marami tayong mga kababayan ang naniniwala agad sa fake news. Nakababahala ito, mga Kapanalig.
May ilang ginagamit din ang katagang “fake news” para naman pasinungalingan ang mga balitang batay sa tunay na datos at malayang pananaliksik at pagsisiyasat ng mga lehitimong mamamahayag. Sinabi kamakailan ng tagapagsalita ng ating pangulo na peke ang mga ulat na nagsasabing mahigit 7,000 na ang mga namamatay bunsod ng giyera kontra droga. Dapat daw tawagin ang mga kasong ito na “death under investigation”. (Paglilinaw lamang po, mga Kapanalig, ang bilang na 7,000 ay tumutukoy sa mga biktima ng extra-judicial killings o pagpatay sa sinuman, may kinalaman man sa droga o wala. At ang malaking bilang na ito ang patuloy na ikinababagabag natin sa Simbahan at ng mga grupong nagtataguyod ng karapatang pantao.)
Panganib ang hatid ng maling impormasyon, at ang sinumang lumalahok sa pagpapalaganap ng mga ito sa tradisyunal o alternatibong media ay nagiging instrumento ng pagbabaluktot ng kung ano ang tama at bumubulag sa marami upang hayaang mamayani ang mga maling gawain.
Minsan nang pinayuhan ni Pope Francis ang mga kasapi ng media na maging maingat sa pagpili ng mga balita at impormasyong kanilang isusulat o ipalalabas. Inihalintulad niya ang labis na pagtutok ng media sa mga iskandalo at paninirang-puri, gayundin ang pagpapalaganap nila ng pekeng balita sa pagkahilig sa dumi. Ang media, sabi ng Santo Papa, ay dapat na nagpupursiging maging malinaw, maging mga institusyong walang itinatago.
Maliban sa mahalaga ang makatotohanang balita at impormasyon upang maging mas kritikal at mapanuri ang mga tao, ang media ay dapat na nagbibigay ng impormasyong naglilingkod sa kabutihan ng lahat. Itinuturo sa atin ng Simbahang, “Society has a right to information based on truth, freedom, justice, and solidarity.” At nasa balikat ng media ang pagtataguyod ng karapatang ito.
Mga Kapanalig, malaki ang papel na ginagampanan ng media sa paghubog ng opinyon at pananaw ng mga tao kaya’t mahalagang malaya itong nakakapangalap at nakapagbabahagi ng tamang balita at wastong impormasyon sa mga tao. Subaybayan at bantayan din natin ang ating media upang tiyaking ang mga tagapaghatid ng balita ay instrumento ng tunay na katotohanan, hindi ng “fake news.”
Sumainyo ang katotohanan.