100,323 total views
Mga Kapanalig, hindi pinagbigyan ng International Criminal Court (o ICC) Pre Trial Chamber I ang kahilingan ng kampo ni dating Presidente Rodrigo Duterte na pansamantalang makalaya mula sa pagkakakulong sa The Hague.
May tatlong batayan ang desisyong ito. Una, ito ay para matiyak na haharap ang ating presidente sa mga pagdinig. Pangalawa, ito ay para pigilan siyang hadlangan ang pagsisiyasat. Pangatlo, ito ay para hindi siya makagawa ang iba pang krimen. Sineryoso ng hukuman ang mga sinabi ng anak niyang si Vice President Sara Duterte na gagawa sila ng paraan para maitakas ang ama mula sa detention center ng ICC at maibalik siya sa Davao City.
Back-track lang po tayo. Marso ngayong taon nang arestuhin ang dating pangulo para sa mga kasong crimes against humanity. Nakaugat ang mga kasong ito sa mga extra-judicial killings (o EJK) kaugnay ng pagpapatupad ng kampanya kontra droga. Sa ilalim ng kanyang administrasyon bilang pangulo ng bansa, 12,000 hanggang 30,000 ang mga tinatayang biktima ng EJK.
Dahil mahihirap na kababayan natin ang karamihan sa mga pinatay sa ngalan ng kampanyang ito ng dating presidente, maituturing na “war against the poor” ang “war on drugs”. Pinagkaitan na nga sila ng karapatang ipagtanggol ang sarili sa harap ng batas, kahit ang kakaunti nilang pagmamay-ari ay hindi pinalampas at ninakaw din. May mga impormasyon pa nga noon na nakatatanggap ng incentive o perang premyo ang mga pulis sa bawat suspek—user man, pusher, o dealer—na kanilang mapapatay.
Maaaring tayo rin ay naniniwalang salot sa lipunan ang mga sangkot sa ipinagbabawal na gamot. Banta sa ating kaligtasan at seguridad ang turing natin sa kanila. Pero sapat na bang dahilan ito para patayin sila? Para palaganapin ang takot at karahasan sa ating bayan? Para ipagkait sa kanila ang pagkakataon at pag-asang magbago?
Ang sagot sa huling tanong ay ang diwa ng pagpapanagot kay dating Pangulong Duterte sa ICC. Binibigyan siya ng pagkakataong magpaliwanag sa prosesong alinsunod sa batas at kumikilala sa kakayahan ng sinumang gumawa ng mali na managot, magbago, at humingi ng kapatawaran. Ang desisyon ng ICC na tanggihan ang hiling ng kampo ni dating Pangulong Duterte na pansamantala siyang palayain ay nagpaparating din ng isang malakas na mensahe—kahit ang pinakamalalakas na tao ay mayroon ding pananagutan. Ang sinumang gumawa ng krimen—kahit pa ang mga makapangyarihan—ay may pananagutang dapat harapin. May hangganan ang tangan nilang kapangyarihan. Hindi sila Diyos. Akmang salita para sa mga makapangyarihang tao ang sinabi ni Yahweh kay Ezekiel: “Nakaluklok kang parang diyos sa gitna ng karagatan bagama’t ang totoo’y hindi ka diyos kundi tao lamang.”
Naniniwala tayong ang pagpapanagot kay dating Pangulong Duterte ay isang hakbang tungo sa hustisya. Hindi ito pang-uusig sa maituturing na pinakasikat na pulitiko sa bansa. Lampasan natin ang pananaw na ito. Lawakan natin ang ating pagtingin sa isyung ito. Bilang mga Kristiyano na naniniwalang nilikha ang taong kawangis ng Diyos, dignidad ng tao—kabilang ang mga kababayan nating pinagkaitan ng katarungan at ang mga pamilyang naulila nila dahil sa war on drugs—ang nakataya. Turo nga sa Catholic social teaching na Gaudium et Spes, ang anumang labag sa buhay at dignidad ng tao, katulad ng pagpatay, ay lason sa lipunan. Pang-iinsulto rin ito sa Panginoong nagbigay sa atin ng buhay.
Mga Kapanalig, lahat ay pantay sa mata ng hustisya. No one is above the law, ‘ika nga. Kaya hayaan nating gumulong ang hustisya para sa mga biktima ng EJK at sa mga naulila nila. Binigyan ng natatanging pagkakataon si dating Pangulong Duterte na ipagtanggol ang sarili, bagay na ipinagkait ng madugong giyera kontra droga.
Sumainyo ang katotohanan.




