63,396 total views
Kapanalig, sa ating digital world ngayon, maraming mga disruptions at mabilis ang pagbabago. Maraming mga imbensyon at inobasyon ang sumusulpot at umuusbong na nagbabago ng ating way of life at way of doing business. Kapag ang mamamayan ay hindi handa dito, lagi tayong mahuhuli at mahihirapan mag transisyon. Change, kapanalig, is constant. At sa digital world, change is faster.
Dahil dito, ayon nga sa mga eksperto, kailangang equipped ang mga Filipino learners ng mga 21st-century skills upang umunlad. Ang pangangailangan na ito ay hindi lang nasa balikat ng mga mamamayan, ang ating education system ay kailangan nating ireporma at iayon upang matugunan hindi lamang ang learning crisis sa bansa kundi upang ihanda at itugma ang ating kasanayan at kaalaman sa pangangailangan ng real world. Hindi na sapat ang diploma sa ating mga industriya ngayon. Ayon sa isang pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS), critical thinking, comfort with ambiguity, problem-solving, communication, and collaboration ay mga kritikal na skills na kailangan ng manggagawa upang maka-survive sa ating komplikadong mundo na puno ng disruptions.
Kapanalig, kailangan natin maisawalat sa publiko na ang edukasyon ay hindi nagtatapos sa pormal na pag-aaral. Ang lifelong learning ay tumutukoy sa patuloy na proseso ng pagkuha ng kaalaman at kasanayan mula sa iba’t ibang aspeto ng buhay, hindi lamang sa pormal na edukasyon. Ito ay nagbibigay-daan sa patuloy na pag-unlad ng sarili, mas malalim na pang-unawa sa ating mga sarili, sa ating mga interes, at sa ating mga layunin sa buhay. Ito ay nagbibigay sa atin ng kakayahang umangkop sa mga pagbabago at mga hamon sa buhay, na nagreresulta sa mas mataas na antas ng kasiyahan at tagumpay.
Sa lifelong learning, natutunan natin na maaaring hindi na sapat ang ating natutunan para makasabay sa kasalukuyang mga pangangailangan. Itutulak tayo nito na maging handa sa mga pagbabago at makipagsabayan sa mga bagong teknolohiya at mga uso. Ito ay mahalaga lalo na sa mga propesyon na mabilis na nagbabago dahil sa teknolohikal na inobasyon.
Ang lifelong learning, nakakakuha tayo ng mga bagong kasanayan at kaalaman, at nagiging mas kwalipikado tayo para sa mas mataas na posisyon at mas malaking responsibilidad. Ang mga employer ay madalas na naghahanap ng mga empleyadong handang matuto at mag-improve, kaya ang lifelong learning ay nagiging isang malaking bentahe sa kompetitibong mundo ng trabaho.
Sa puntong ito, makakatulong kung ang ating bansa ay makakapagbigay ng direksyon at guidance sa mamamayan, sa sektor ng pormal at impormal edukasyon, pati na rin sa industriya para sa lifelong learning skills ng mga mamamayan. Kapag sinusuportahan nito ang lifelong learning ng mamamayan, mas marami ang magiging interesado, na makakabuti para sa ating bayan. Ito ay angkop na tugon sa hamon ng Octogesima Adveniens: “All people have the right to work, to a chance to develop their qualities and their personalities in the exercise of their professions, to equitable remuneration which will enable them and their families “to lead a worthy life on the material, social, cultural and spiritual level.”
Sumainyo ang Katotohanan.