177 total views
Mga Kapanalig, ipinalabas noong nakaraang Huwebes ng administrasyong Duterte ang isang dokumentaryo tungkol sa mga nagawa nito sa unang limampung araw sa panunungkulan. Gaya ng inaasahan, unang-unang ibinida rito ang digmaan laban sa masamang droga.
Karugtong ng footage ng sumusukong mga pusher at adik, sunud-sunod ang mga larawan ng mga bangkay na nakabulagta sa kalye. Marami ang may nakasabit na karatulang nagsasabing “Pusher ako. Huwag tularan.” Iyon ay tandang pinatay sila, hindi ng mga pulis kundi ng vigilante.
Ang mga pagpatay na iyon ay krimen sapagkat hindi nangyari sa opisyal na operasyon ng pulis. Ngunit kung ang video lang ang titingnan at hindi pakikinggan ang sinasabi ng tagapagsalaysay, maaaring malito ang mánonoód. Maaari niyang isipin: “Tama palang ikatuwâ ang mga krimeng iyon bilang bahagi ng tagumpay ng administrasyon laban sa masamang droga.”
Hindi lang ito ang pagkakataong nakalilito ang di-maingat na pagbibigay-mensahe ng pamahalaan. Nariyan ang “shoot to kill policy” ng pangulo at ng hepe ng pambansang kapulisan. Kaya’t ang isang hindi mapanuring tagapanood o tagapakinig ng balita ay maaaring isipin ang ganito: “Tama palang ang pakay ng pagtugis sa mga pinaghihinalaang kriminal ay patayin sila, sa halip na dakpin at litisin. Tama palang kapulisan at hindi korte ang maghatol sa kanila, at magpataw ng parusang kamatayan.”
Nariyan din ang sinabi ni Pangulong Duterte sa Tondo kinagabihan ng kaniyang inagurasyon. Wala na aniyang pag-asang magbago ang mga lulong sa droga, at dapat daw na pagpapatayin na lamang sila. Muli, kung hindi mapanuri ang tagapakinig, iisipin niyang: “Tama palang ituring ang gumagamit ng masamang droga hindi bilang biktima, kundi bilang kriminal na ang sala’y kasimbigat ng sa pusher o drug lord, kaya’t tama ring magkasimbigat ang parusa sa kanila.”
Mga Kapanalig, kapag tayo’y nalilito, kailangan ng mga batayan sa pagkilatis kung ano ang tama at ano ang mali. Magandang batayan ang ilang katuruang panlipunan ng Simbahan na inilahad ng Second Plenary Council of the Philippines o PCP-II.
Sinasabi ng PCP-II na ang tamang pag-unlad ay ganap at buo, nakabatay sa pantaong dangal at pagkakaisa. Kailangan naman talagang mapuksa ang masamang droga upang umunlad ang ating bansa. Nakasisira ito sa dangal at kakayahang umunlad ng mga gumagamit at nagbebenta nito. Ngunit hindi nabubura ang dangal ng tao, at ang mga karapatan niya, dahil gumagamit siya o nagbebenta ng masamang droga. Kinikilala ba ng pamahalaan ang dangal ng biktima at ng pinaghihinalaang galamay nito? Kinikilala ba ang karapatan nilang dumaan sa tamang proseso ng paglilitis bago mahatulan? Kinikilala ba ang kanilang kakayahang magbagong-buhay? Kinikilala ba natin ang ating pananagutan, bilang kapwa-mamamayan ng iisang bansa at kapatid nila sa iisang Diyos, na tulungan silang gamitin ang potensyal na ito?
Isa pang prinsipyo ng katuruang panlipunan ng Simbahan ang katarungang panlipunan at pag-ibig, o sa Ingles, social justice and love. Sinasabi ng pamahalaang karahasan ang magbibigay-katarungan sa mga biktima ng masamang droga. Ngunit tunay bang katarungan ang pagpatay sa mga adik at pusher, gayong aminado ang pamahalaang hindi nito kayang habulin at panagutin ang mga dayuhang drug lords? Hindi ba mas makatarungan at mapagmahal na unawain kung bakit nalululong ang tao sa masamang droga, at alamin ang mga paraan para maiiwasan ito at para mabibigyan ng alternatibong kabuhayan ang mga pusher? Ang pagpatay ba ay solusyong mapagmahal?
Ang huling prinsipyong mahalagang isaisip ay kapayapaan at pagtanggi sa karahasan, peace and active non-violence. Sinasabi ng pamahalaan na ang karahasan ng digmaan laban sa masamang droga ay magbibigay-daan sa kapayapaan. Kung gayon, bakit sumasabay ang dumaraming krimen ng pagpatay na hindi nasosolusyonan? Kapayapaan ba ang umiiral kung ang mga tao, lalo na ang mahihirap, ay natatakot mapagbintangang pusher o adik at basta-basta patayin?
Mga Kapanalig, tungkulin ng pamahalaang kilusan ang suliranin ng masamang droga. Ngunit tungkulin din natin bilang Kristiyano na tanungin kung ang pamamaraan ng pamahalaan ay naaayon sa ating mga prinsipyo. At kung hindi, tungkulin nating tulungan ang pamahalaang maghanap ng mabuti at mabisang paraan.
Sumainyo ang katotohanan.