161 total views
Wakasan na ang laganap na extra-judicial killings sa “war on drugs” o giyera laban sa droga ng administrasyon ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang muling apela ni Radio Veritas President Father Anton CT Pascual at Butuan Bishop Juan de Dios Pueblos kay pangulong Duterte kaalinsabay ng imbestigasyon o inquiry in aid of legislation ng Senate Committee on Justice and Human Rights sa patuloy na pagdami ng kaso ng extra-judicial killings sa war on drugs ng pamahalaan.
Iginiit ni Father Pascual ang pagkondena at pagpapatigil sa lahat ng uri ng extra-judicial killings sa bansa.
Ipinaliwanag ni Father Pascual sa Radio Veritas na sa prinsipyo ng “Christian stewardship” na hindi pag-aari ng tao ang kanyang buhay kundi sa Panginoon.
Inihayag ng pari na tanging ang Diyos lamang ang maaring kumuha sa buhay ng tao na kanyang ipinagkaloob.
“In the principle of christian stewardship, our life is not ours but God’s. To take human life for whatever reason is not for us to decide. Absolutely no to all extra-judicial killings,” pahayag ni Father Pascual sa panayam ng Radio Veritas.
Nanawagan naman si Bishop Pueblos sa gobyerno na itigil na ang pagpatay sa mga pinaghihinalaang sangkot sa ilegal na droga ng walang kaukulang due process.
Binigyan diin ng Obispo na hindi dapat sinasang-ayunan at pinapayagan ng pamahalaan ang mga paglabag sa batas sa kampanya upang sugpuin ang illegal drug trade sa bansa.
“Campaign vs drugs, In that matter, we could not tolerate or allowed just to kill them because of this because of that, it has to undergo judicial process, we are living in a democracy, it has to follow judicial process,” pahayag ni Bishop Pueblos sa panayam ng programang Veritas Pilipinas sa Radyo Veritas.
Iniulat ni PNP Chief Director General Roland dela Rosa sa Senate inquiry on war on drugs na simula July 1, 2016 hanggang August 22, 2016 ay umabot na sa 712 drug suspects na ang napatay sa lehitimong police operations habang pumalo naman sa 1,067 katao ang nasawi sa non-police operations o sinasabing biktima ng vigilante killings sa pina-igting na kampanya ng administrasyong Duterte laban sa ilegal na droga.