43,283 total views
Mga Kapanalig, kung aktibo kayo sa social media, baka napadaan sa inyong news feed ang mga posts na nagbababalâ tungkol sa panibagong pagkalat ng sakit sa ibang bansa. Dumarami daw ang mga pasyenteng dinadala sa mga pagamutan at ospital dahil sa isang uri ng pneumonia. Tumaas din daw ang bilang ng mga kine-cremate, indikasyon daw na marami nang namatay sa naturang outbreak.
Kung hindi kayo sigurado sa pinanggalingan ng impormasyong ito at kung kulang kayo sa kakayahang alamin kung totoo ang nakikita natin sa social media, tiyak na nababahala kayong baka maulit na naman ang COVID-19. Kung inyong matatandaan, katapusan ng Enero noong 2020—limang taon na ang nakararaan—nang maitala sa Pilipinas ang unang kumpirmadong kaso ng pasyenteng tinamaan ng tinatawag pa noong 2019-nCoV o novel coronavirus. Katapusan ng buwang iyon nang inanunsyo ng World Health Organization (o WHO) ang novel coronavirus bilang isang “public health emergency of international concern.” Pebrero 2020 nang maibalita ang unang kaso ng pagkamatay sa naturang virus sa Pilipinas.
Mula noon, mabilis na kumalat ang virus. Marami ang tinamaan nito at nagkasakit. Nalula ang mga ospital sa mga pasyenteng dumagsa. Nagkumahog ang pambansa at mga lokal na pamahalaan para pigilan ang pagkalat ng COVID-19. Maraming lugar ang isinailalim sa lockdown. Walang pasok sa mga paaralan. Nauso ang work-from-home, pero sa mga hindi ito posible, napilitan silang tumigil na lang sa pagtatrabaho. Maraming negosyo ang nalugi. Tila tumigil ang mundo.
Mayo 2023 nang ideklara ng WHO ang pagtatapos ng COVID-19 bilang isang global health emergency. Tatlong taon at mahigit ang dumaan, halos pitong milyon katao ang namatay sa buong mundo. Hanggang sa mga panahon ding iyon, lampas 66,000 na mga kababayan natin ang nasawi. Hindi na mawawala ang COVID-19. Para na nga itong karaniwang sakit, pero salamat sa mga bakuna, mas nabawasan ang pagiging malala nito sakaling dapuan ang sinumang nabakunahan.
Hindi natin dapat ipagsawalambahala ang mga panganib sa ating kalusugan, pero hindi rin tayo dapat agad-agad na naniniwala sa mga impormasyon tungkol sa panibago na namang outbreak ng sakit. Mismong ang DOH na ang nagsabing walang “international health concern” tungkol sa isang sakit. Ganito rin ang sinasabi ng kinauukulan sa bansang humaharap diumano sa isang bagong epidemya at nagdeklara na ng state of emergency. Wala ring kinukumpirma ang WHO. Sa madaling salita, fake news ang mga kumakalat na posts tungkol sa isa na namang nakahahawang sakit.
Ang natuklasan pa, kilalang nagpapakalat ng fake news ang mga social media pages na pinagmulan ng mali at nakatatakot na impormasyon. Ang isa sa mga ito, halimbawa, ay may tatlong milyong followers, kaya hindi nakapagtatakang mabilis kumalat ang kanilang post. Kaya pakiusap ng DOH, huwag tayong sumali sa pagpapakalat ng misinformation at sa panlilito sa social media.
Kasama ang ating Simbahan sa laging nagpapaalala sa publiko, lalo na sa mga mananampalataya, na mag-ingat sa fake news. Minsang sinabi ni Pope Francis na bagamat pangunahing tungkulin ng media—kasama rito ang mga social media—na labanan ang fake news, sa huli, ito ay nasa kamay nating mga kumokonsumo ng impormasyon, saan man natin kinukuha ang mga ito. Inihalintulad ng Santo Papa ang fake news sa serpyente sa hardin ng Eden na pinaniwala si Eba na walang mangyayaring masama sa kanya kung kakainin niya ang bunga ng puno ng kaalaman sa mabuti at masama.
Mga Kapanalig, bahagi na ng buhay natin ngayon ang social media at fake news. Pero matuto rin tayong maghinay-hinay sa ating mga ibinabahagi. Alamin muna natin kung katiwa-tiwala ang sources ng mga nababasa natin. Hindi porke’t viral ang isang post ay totoo na ito. Maging mapanuri. Maging mapagmatyag. Mag-ingat sa fake news.
Sumainyo ang katotohanan.