197 total views
Nagpaabot ng pagbati ang Malacañang sa ika-80 kaarawan ng Kanyang Kabanalan Francisco nitong Disyembre a-17.
Ayon kay Presidential Communications Secretary Martin Andanar, hangad ng bawat isa ang mabuting kalusugan at patuloy na katatagan ng Santo Papa, upang patuloy na magabayan ang bawat isa sa gitna ng iba’t ibang pagsubok sa mundo.
Kaugnay nito, sinabi pa ni Andanar na naging inspirasyon si Pope Francis ng mga mananampalataya sa kabila ng higit tatlong taon pa lamang nito sa kanyang pamumuno sa Simbahang Katolika.
Pagbabahagi ng Kalihim, bukod sa patuloy na pananalig sa Panginoon sa kabila ng anumang mga pagsubok ay naging isang kongkreto at aktibong huwaran rin ang Santo Papa ng kababaang-loob, pagtulong sa mga mahihirap at mga nangangailangan at higit sa lahat ay ang walang humpay na tiwala at pagpapasalamat sa kaloob ng Panginoon.
Dahil dito, patuloy ang pasasalamat sa Santo Papa ng Malacanang sa naging personal na pagkakaloob ng habag at awa ng Panginoon sa mamamayang Filipino nang bumisita ito sa Pilipinas noong Enero ng 2015 matapos ang nagdaang Bagyong Yolanda na nag-iwan ng malaking pinsala sa ari-arian at buhay.
Sa tala ng Vatican umaabot na sa 1.2 bilyon ang bilang ng mga Katoliko sa buong mundo, kung saan 40 porsyento nito ang nasa Latin America habang batay naman sa tala ng National Statistics Office noong 2010, mayroong higit sa 74 na milyon ang mga Katoliko sa bansa na katumbas ng 80.6 na porsyento sa kabuuang populasyon ng Pilipinas.