249 total views
Insulto sa mga mahal sa buhay ng nasawing Overseas Filipino Worker na si Fernando Peralta ang maling bangkay na naiuwi ng pamahalaan ng Tel Aviv Israel sa Pilipinas.
Iginiit ni Catholic Bishops Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Migrants and Itinerant Peoples chairman Balanga Bishop Ruperto Santos na walang dapat idahilan ang pamahalaan ng Israel dahil responsibilidad nito na mapadala ng maayos at tama ang bangkay ng isang pumanaw na OFW sa kanyang pamilya.
Ikinadismaya ni Bishop Santos na dumaranas ng napakalaking sakripisyo ang mga kaanak na naiwan ng mga OFW ay dagdag pasakit pa na magkamali sa pagpapadala ng mga labi ng kanilang mahal sa buhay upang mabigyan ng marangal na pagpapalibing.
Kaugnay nito, nanawagan si Bishop Santos sa Israel at Department of Foreign Affairs na magmalasakit, igalang at maging maingat sa pagpapauwi sa labi ng mga O-F-Ws na pumanaw sa trahedya at karamdaman.
“There is no excuse. They are not responsible and respectful, dapat nilang alamin ang situation na kung saan masakit na isang pamilya na mawalan, lumisan ang kanilang mahal sa buhay tapos ang kanilang makikita pa ay hindi yun ang kanyang bangkay. It adding insult to injury lalong nasaktan, lalo pang sinasaktan ang damdamin ng mag–anak na naiwan. Dapat we have to be more precautious, they should be more careful at palagi nilang intindihan ang kalagayan ng daratnan at masasabi natin masakit na, sinaktan pa,” bahagi ng pahayag ni Bishop Santos sa panayam ng Veritas Patrol.
Batay sa tala ng United Nations noong 2015 International Migrants Day nasa mahigit 5,000 migrante ang namatay sa iba’t ibang kadahilanan.
Nauna na ring kinilala ng kanyang Kabanalan Francisco ang kabayanihan ng mga OFWs dahil sila ang nagpapa–angat ng ekonomiya ng bansa.