164 total views
Hinihikayat ni Caritas Manila Executive Director at Radio Veritas President Rev. Fr. Anton CT Pascual ang bawat mananampalataya na makiisa sa Alay Kapwa Telethon 2017 at ipadama ang tunay na diwa ng semana santa na damayan ang kapwang nangangailangan.
Ayon kay Father Pascual, layunin ng 12-oras na telethon na makalikom ng pondo na tutugon sa mga Pilipinong naging biktima at patuloy na nakararanas ng iba’t ibang uri ng sakuna.
“Tulad ng ating Panginoong Hesukristo na naghandog ng Kanyang buhay para sa katubusan ng sanlibutan kaya tayo bilang mga alagad N’ya, inaanyayahan din tayo na magmalasakit sa kapwa lalong-lalo na sa mga mahihirap, mga biktima ng kalamidad, mga maysakit at mga nasa laylayan n gating lipunan,” pahayag ni Father Anton.
Umaapela rin ang pinuno ng social arm ng Archdiocese of Manila sa bawat isa na maging bahagi ng Alay Kapwa Telethon 2017 bilang paghahanda sa mga kalamidad na maaaring maranasan ng bansa.
“Tayo ay nananawagan sa mga kababayan nating Kristyano lalo na ang Katoliko na magdasal tayo na huwag tayong dalawin ng mga matitinding sakuna at kung mayroon man ay nakahanda ang simbahan, naglilikom tayo ng pondo upang makatutugon kaagad tayo sa ating mga kababayan,” panawagan ng pari
Umaasa ang pari na maakalikom ang isinasagawang telethon ng dalawang milyong piso tulad noong nakaraang taon.
Magugunitang noong Nobyembre 2013 kung saan hinagupit ang bansa ng bagyong Yolanda ay nakalikom ang Caritas Manila ng humigit-kumulang 350-milyong piso na ginamit sa pagbibigay ng agarang relief goods sa mga apektadong residente, gamot, tubig at damit gayundin ang pagbibigay ng housing materials sa mga nasirang bahay at pagkakaloob ng spiritual formations sa mga biktima ng kalamidad.
Ayon sa pag-aaral ng United Nations Office for Disaster Risk Reduction, pang-apat ang Pilipinas sa mga bansa sa buong mundo na pangunahing naaapektuhan ng mga kalamidad kung saan naitala ang 274 na magkakaibang sakuna sa nakalipas na dalawang dekada.
Patuloy namang nananawagan si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa suporta ng bawat mananapalataya na padaluyin ang habag sa ating mga puso at maging instrumento ng awa sa kapwa sa pamamagitan ng pagtulong sa mga higit na nangangailangan.