86,619 total views
Mga Kapanalig, habang nakatuon ang atensyon ng marami sa atin sa mga maanomalyang flood control projects, may nagaganap na dredging operations sa bukana ng Abra River sa Ilocos Sur. Sinasabing isinagawa ang paghuhukay sa ilog para ibsan ang pagbahang dulot ng pag-apaw ng ilog kapag tag-ulan. Flood control project din ito. Makatutulong din daw iyon sa rehabilitasyon ng ilog na umaagos pa mula sa probinsya ng Benguet. Nagsimula pa noong nakaraang taon ang dredging operations ng Isla Verde Mining and Development Company.
Pero para sa mga mangingisda sa lugar, perwisyo sa kanilang kabuhayan ang ibinubunga ng dredging operations. Ayon sa Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (o PAMALAKAYA), mahigit 9,000 na mangingisda sa mga bayan ng Santa at Caoayan sa Ilocos Sur ang lubha nang naaapektuhan ng proyekto. Itinataboy ng polusyon, dumi, at ingay na nililikha ng paghukay sa ilog ang mga isda. Kung noon ay sobra-sobra ang isdang naiuuwi ng mga mangingisda sa kanilang mga pamilya at naibebenta sa mga mamimili, halos wala na raw silang huli ngayon.
Simula nang dumating ang mga barkong ginagamit sa paghango ng mga hinukay mula sa ilog, napansin din ng mga mangingisdang naapektuhan na rin ang kalidad ng mga isda at iba pang lamang-dagat na naiwan sa may baybayin. Nangangamoy grasa na raw ang mga isda kaya hindi na nila makain o maibenta ang mga ito. Itinatapon na lang nila ang mga huling hindi na nila mapakikinabangan.
Dahil hindi na makahuli ang mga mangingisda sa mas malapit na katubigan, napipilitan silang maglakbay ng 30 na milya upang makapunta sa lugar na hindi nadadaanan ng mga barko. Bagamat nakahuhuli sila sa malayong parte ng dagat, dagdag-gastos naman ito para sa mga mangingisda. Limandaan hanggang tatlong libong piso ang kailangang gastusin nila para sa gasolina. Kaya naman, ganoon na lamang ang paghihipit ng sinturon ng mga pamilya ng mga mangingisda.
Pati ang kapaligiran ng ilog ay apektado ng dredging. Nasisira ang nakapaligid na mga halaman. Binabago rin ng dredging ang natural na daloy ng tubig, at dahil dito, naaapektuhan ang kalidad ng tubig sa mga sapa, at pati mga lupa sa pampang ay mabilis gumuho. Lahat ng ito, may epekto sa ilog at dagat na pinagmumulan ng kabuhayan ng mga kababayan nating mangingisda sa Ilocos Sur.
Masasabi ba nating mas matimbang ang positibong epekto ng dredging kaysa sa epekto nito sa buhay ng mga mangingisda at sa kalusugan ng kalikasang nakapaligid sa lugar kung saan isinasagawa ang proyekto?
Pang-aapi sa mga mangingisda ang pagpapatuloy ng mapaminsalang dreging operations sa Abra River. At sabi nga sa Mga Kawikaan 14:31, “Ang umaapi sa mahirap ay humahamak sa Maykapal.” Sa pagtanggal ng kakayahan ng mga kababayan natin sa Santa at Caoyacan sa Ilocos Sur na makahanap ng makakain at magkaroon ng kabuhayan, para na rin nating hinamak ang ating Diyos.
Turo pa sa Catholic Social Teaching na Laudato Si’, pinakaapektado ng pagkasira ng kapaligiran ang mga kapus-palad nating kapatid, katulad ng mga mangingisda. Anumang pagtugon sa mga isyung pangkapaligiran ay pagtugon din dapat sa mga isyung panlipunan. Dapat nating pakinggan ang pagtangis ng kalikasan at ang pagtangis ng mahihirap. Malinaw na magkaugnay ang buhay ng ating kalikasan at ang buhay nating mga tao, kaya anumang kasiraang nararanasan ng isa ay nakasisira din sa isa.
Mga Kapanalig, humihingi ng tulong ang mga kababayan nating labis na naapektuhan na ng dredging operations sa Abra River. Nag-aagawan ang maraming isyu para sa atensyon ng publiko, ng media, at ng pamahalaan. Marinig sana ng kinauukulan ang tinig ng mga mangingisdang unti-unti nang nawawalan ng kabuhayan. Ang tinig nila ay tinig din ng kalikasang labis nang napipinsala.
Sumainyo ang katotohanan.




