321 total views
Mga Kapanalig, sa isang panayam kamakailan sa Associated Press, sinabi ni Pope Francis na hindi krimen ang homosexuality. Nanawagan siyang tutulan ang mga patakarang pinapatawan ng kaparusahan ang mga taong naaakit sa kapwa nilang katulad ng kasarian o kumikilos nang hindi naaayon sa mga nakasanayang gawi ng isang lalaki o ng isang babae.
Alam ba ninyong sa halos 70 bansa, krimen ang turing sa same-sex relations o pakikipagrelasyon sa kapwa lalaki o kapwa babae? Sa sampung bansa, pinapatawan ng parusang bitay ang mga nasa ganitong relasyon. Sa mga bansang ito—kung saan mas pinaiiral ang mga moral na katuruan ng isang relihiyon sa halip na ang mga patakarang tanggap ang pagkakaiba-iba ng mga mamamayan—itinuturing na mabigat na kasalanan ang homosexuality. Kaya naman, ang mga binitawang salita ng ating Santo Papa, kung susuportahan ng mga mananampalataya at pakikinggan ng mga nasa poder, ay makapagliligtas ng buhay ng tao. Hindi ba’t ito naman ang pinahahalagahan nating mga Kristiyano?
Linawin nating walang pinapalitang katuruan o doktrina si Pope Francis tungkol sa homosexuality. Una sa lahat, walang sinasabi sa ating katesismo na kasalanan ang pagiging gay o lesbian. Hindi marahil malinaw sa maraming Katoliko ito, pero inihihiwalay natin ang tao (o human person) sa gawa (o acts). Pinahahalagahan ng ating relihiyon ang tinatawag na “natural law” na gumagabay sa isang taong unawain ang likas na pagkakaayos ng mga bagay-bagay nang malaman niya ang tama sa mali. Katotohanan sa paniniwalang Katoliko ang kalooban ng Diyos at ang banal na plano Niya para sa mundo at sa lahat ng Kanyang nilalang, at batay dito, ang mga tinatawag na homosexual acts—muli, hindi ang homosexual person—ang itinuturing nating “intrinsically disordered” o lihis sa kaayusang pinaninindigan ng ating pananampalataya. Ang relasyon kasi ng isang lalaki at isang babae, batay pa rin sa natural law, ay ang maituturing na likas, kaya’t ang anumang relasyong kaiba rito ay “objectively disordered” dahil hindi tumutungo ang mga ito sa uri ng pag-ibig at sa layuning lumikha ng buhay na pinahahalagahan ng ating relihiyon.
Kaya huwag sanang ma-misinterpret o mabaluktot ang naging pahayag ni Pope Francis. Ang panawagan niyang buwagin ang mga batas na pinarurusahan ang mga tao dahil sa kanilang sekswal na oryentasyon ay nakaugat hindi lamang sa katesismo ng ating Simbahan kundi sa katotohanang ang bawat tao ay may angking dignidad. Ipinapaalala sa atin ng Santo Papa na nilikha ng Diyos ang lahat nang pantay-pantay, nang mabuti. Ang mga homosexual persons ay mga anak din ng Diyos na, katulad ng lahat, ay nangangailangan ng pagkalinga at habag—hindi ng panghuhusga at pagsasantabi.
Dito sa Pilipinas, hindi maikakailang matindi pa rin ang ating hindi pagkakaintindihan tungkol sa kung paano nga ba tratuhin ang mga kapatid nating naaakit sa kanilang kapwa lalaki o kapwa babae. Bagamat wala naman tayong mga batas na pinarurusahan ang mga homosexual persons, matindi pa rin ang diskriminasyong kanilang nararanasan, lalo na kung sila ay mga ordinaryong mamamayan lamang na walang sinasabi sa buhay, ‘ika nga, o walang impluwensya katulad ng mga negosyante, artista, o pulitiko. Mababa ang tingin natin sa kanila. Ginagawa natin silang tampulan ng panunukso at katatawanan. May iba pang ngang sinasaktan at inaabuso. Kaya hindi nila lubusang nararamdamang sila ay tanggap ng lipunan, maging sa Simbahan.
Mga Kapanalig, sa mga Ebanghelyo, maraming beses na kinatagpo ni Hesus ang mga isinasantabi at kinamumuhian ng lipunan. Kaya ba nating sundan ang Kanyang halimbawa? Kaya ba nating ihiwalay ang pagiging tao ng ating kapwa sa mga kasalanang kanyang nagagawa? Kaya ba nating katagpuin ang mga homosexual persons nang walang panghuhusga? Sa huli, hindi ba’t mas mabigat na kasalanan ang pagkaitan ng kabukasang-loob ang ating kapwa?
Sumainyo ang katotohanan.