319 total views
Kapanalig, marami sa atin ang naniniwala na kapag may konting pera sa bulsa, kapag maganda ang ekonomiya, mas marami ang masaya. Para bang pera ang dahilan ng pagluwag ng ating dibdib, diba?
May katotohanan man ito, mas mabigat naman at mas makahulugan ang kabaligtaran hindi ba, na kapag panatag ang iyong loob at isipan, at kapag ikaw ay maligaya, mas malaki ang naambag mo sa ekonomiya, at mas maraming pagkakataon magkaroon ng maalwang buhay.
Kaya lamang, kapanalig, sa ating mundo ngayon, mas nabibigyan diin ang kahalagahan ng pera at yaman kaysa sa ating mental health. Kadalasan pa nga, kahit pa anong pagod o burnout, marami sa ating tuloy pa rin sa paghahanap ng kita. Kaya nga parami na ng parami ang bilang mga may mental health issues sa bansa.
Tinatayang mahigit pa sa 3.6 milyong Filipino ang nakakaranas ng iba ibang uri mental illness sa ating bansa. Baka nga mas marami pa rito ang bilang dahil hindi naman nairereport ng marami ang ganitong mga kaso dahil nahihiya sila o kulang sa kaalaman. Tumataas na nga ang kaso ng self-harm sa ating bayan – yung mga taong sinasaktan ang sarili. Ayon nga sa 2021 Young Adult Fertility and Sexuality Study, halos isa sa limang kabataang may edad 15 hanggang 24 ay naisip na minsan na tapusin na ang kanilang buhay.
Kapanalig, kailangan nating agarang harapin ang isyu na ito. Una sa lahat, kailangan maitaas natin ang kamalayan ng lipunan ukol sa isyu ng mental health. Marami sa atin ang nakakaramdam ng pag-iisa at kahihiyan sa mga panahong sukdol sila ng lungkot, pagkabalisa, at kalituhan. Kung marami sa atin ang nakaka-alam sa mga serbisyong available para sa mga ganitong pagkakataon, magkakaroon sila ng karamay, at malalapatan ng lunas at ginhawa ang kanilang pinagdadaanan.
Kailangan din nating mapabuti ang access sa mental health services sa ating bayan. Ang counseling services pati mga medical services para dito ay mahal para sa marami nating mga kababayan. Hindi rin ito gaya ng ibang sakit gaya ng ubo at sipon na madaling maikonsulta sa doktor at mabigyan ng gamot. Marami rin ang nahihiya magpatingin ukol dito, kaya’t napakahalaga na maitaguyod natin ang mga institusyon para sa kalusugan ng isip, at bigyan ito ng sapat na pondo at tao, ng mas marami pa maserbisyuhan.
Kapanalig, ayon sa Mater et Magistra: A sane view of the common good must be present and operative in men invested with public authority. They must take account of all those social conditions which favor the full development of humanity. Kasama dito, kapanalig, ang mental health, na integral sa kaganapan ng ating pagkatao.
Sumainyo ang Katotohanan.