102,999 total views
Mga Kapanalig, may panukalang batas ngayon sa Senado na layong magtatag ng isang school-based mental health program. Kung maisasabatas ang Senate Bill 2200 o ang Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act na iniakda ni Senador Sherwin Gatchalian, magkakaroon ang bawat pampublikong paaralan ng tinatawag na “care center”. Para mangyari ito, paliwanag ng senador kamakailan, dapat na dumami ang mga mental health practitioners sa mga eskuwelahan.
Bakit mahalaga ang ganitong programa? Sa datos ng Department of Education (o DepEd), hindi bababa sa 400 na estudyante ang nagpatiwakal noong school year 2021-2022. Bukod pa sa bilang na ito ang mahigit 2,000 na mag-aaral na nagtangkang mag-suicide. Siguradong mas malaki pa ang totoong bilang dahil hindi naman lahat ng kaso ay naire-report. Kung inyong matatandaan, may isang Grade 7 student sa Mandaluyong ang nagpatiwakal matapos mahuli ng kanyang guro na nandaraya habang nag-e-exam. Ayon sa mga magulang, nakaranas na matinding emotional distress ang bata matapos malaman na papatawan siya ng suspension.
Pagpapatiwakal din ang isa sa mga ginagawa ng mga batang biktima ng bullying. Noong 2018, 65% o 17.5 milyong estudyanteng Pilipino sa elementarya at high school ang nakaranas ng iba’t ibang uri ng bullying—kabilang ang cyberbullying o bullying sa internet at social media. Ayon iyan sa Programme for International Student Assessment at World Health Organization. Paliwanag ng mga eksperto sa sikolohiya, napatunayan nang nauuwi sa adolescent depression o matinding kalungkutan sa mga kabataan ang bullying. Sa malalaláng kaso, sumasagi sa isip ng mga biktimang magpakamatay.
Tunay na nakababahala ang mga ganitong pangyayari. Kailangang tulungan ang mga tao, lalo na ang kabataan, na maging matatag sa harap ng maraming hamon sa kanilang buhay. Ngunit, gaya nga ng sinabi ni Senador Gatchalian, kailangan ding dumami ang mga taong may kakayanan at kakayahang tumulong sa mga nakararanas ng mga mental health issues. Ang nakalulungkot, mayroon lamang 1,200 na psychiatrists, psychologists, at psychiatric nurses sa Pilipinas noong 2020. Sila lamang ang mga bihasáng nagpa-practice ng kanilang propesyon.
Hindi rin biro ang gastos sa pagpapatingin sa isang propesyonal. Ang isang therapy session ay nagkakahalaga ng mula ₱1,000 hanggang ₱4,500, at hindi lamang ito isang beses na ginagawa. Depende sa kaso ng pasyente, maaari itong gawin buwan-buwan hanggang sa makakita ng pagbuti sa kanyang kalagayan. May mga institusyon namang nagbibigay ng libreng konsultasyon ngunit hindi madali ang makakuha ng appointment sa kanila. Dagdag din sa gastusin ang gamot kung makikita ng doktor na kailangan ito ng pasyente.
Balakid din sa pagtugon sa mental health issues sa ating bansa ang negatibong pagtingin ng marami sa mga kababayan nating dumaranas ng matinding kalungkutan, pagkabalisa, pagkatakot, at iba pang mental health condition. Kahit gusto ng mga kapatid nating ito na humingi ng tulong, mas pipiliin nilang manahimik na lamang at sarilihin ang kanilang pinagdaraanan. Baka kasi walang makaintindi sa kanila. Tiyak na mas mahirap ito para sa kabataan nating dumaraan sa matitinding pisikal at emosyonal na pagbabago.
Mga Kapanalig, nahahabag ang Diyos sa mga nagdurusa—kabilang ang mga may pinagdaraanan sa kanilang kalusugang pangkaisipan. “Tinutulungan niya, mga nagdurusa at ‘di binibigo ang walang pag-asa,” wika nga sa Mga Awit 34:18. Sa harap ng mga kakulangan sa pagtugon sa mental health issues sa ating bansa, maging tahanan sana ang Simbahan para sa mga kabataang dumaranas ng matinding hamon sa kanilang kalusugang pangkaisipan. At kapag sinasabi nating Simbahan, hindi lamang ito mga pari at madre; tayong lahat ay makapag-aabot ng tulong sa kanila—mula sa pagtulong sa pagpapagamot sa mga may seryosong kondisyon hanggang sa pagbibigay sa kanila ng oras at espasyo para aktibong pakikinig nang walang panghuhusga.
Sumainyo ang katotohanan.