65,394 total views
Alam mo ba kapanalig, na mahigit pa sa 50% ng world population ay nakatira na sa mga cities o urban areas ngayon? Pagdating ng 2050, tinatayang dodoble pa ang bilang na ito.
Sa nakalipas na mga taon, mabilis din ang naging pag-usbong ng mga lungsod sa Pilipinas. Ang Metro Manila, Cebu, Davao, at iba pang pangunahing lungsod ay nakaranas ng masiglang pag-unlad dulot ng patuloy na pagdagsa ng mga tao mula sa kanayunan na naghahanap ng mas magandang oportunidad sa mga syudad. Ang paglago ng populasyon sa mga lungsod ay nagbunsod ng pag-usbong ng mga negosyo, imprastraktura, at mga trabaho. Ang mga lungsod ay naging sentro ng kalakalan, edukasyon, at kultura, at naging pangunahing pwersa sa pagpapalakas ng ekonomiya ng bansa.
Pero kasabay ng mabilis na urbanisasyon ay ang paglitaw ng iba’t ibang hamon. Sa pagdami ng tao, ang mga resources ng mga syudad ay masyadong nabanat. Isa na rito ay ang pagkakaroon ng kakulangan ng sapat na pabahay para sa mga dumaraming mamamayan. Dahil dito, nagiging laganap ang informal settlements na nagdudulot ng mga isyung pangkalusugan at pangkapaligiran. Ang kakulangan ng espasyo, kasama na ang mataas na halaga ng lupa, ay nagiging hadlang sa pagtatayo ng mga abot-kayang pabahay.
Bukod dito, ang masikip na trapiko, polusyon, at kakulangan sa serbisyong panlipunan tulad ng edukasyon at kalusugan ay ilan pa sa mga hamon na kinakaharap ng mga urbanisadong lugar. Ang mga problemang ito ay nagiging sanhi ng pagbaba ng kalidad ng buhay para sa maraming Pilipino.
Mas matingkad ang hamon ngayon sa urbanisasyon, kapanalig, dahil sa climate change. Habang dumadami at lumalaki ang mga syudad, mas lumalaki ang exposure at vulnerability ng mga tao sa mga epekto ng climate change. Sa pag-init ng mundo, kung hindi maayos ang urban development, mas maraming mga tao ang mahaharap sa mga sakuna, gaya ng pagbaha, erosyon, at maging pandemya.
Kaya’t napakahalaga kapanalig, na ang urban development ay may kaukulang plano na magtitiyak na ang mga syudad ay green, resilient, inclusive. Kapag ang mga syudad ay napapabayaan, maari itong magdulot ng urban sprawl na mahirap na ayusin at kontrolin. Sabi nga sa Laudato Si, hindi sapat ang mga half-baked efforts natin na balansehin lamang ang proteksyon ng kapaligiran sa financial gain, o ang pagpreserba ng kalikasan sa kasulungan o progress. Nakikita na natin sa ating kapaligiran at mga syudad ngayon, kapanalig, na mas pumapangit ang kalidad ng buhay kapag nasisira ang kalikasan, kapag nababanat ang mga suplay ng resources, at nagkaka-ubusan na ng mga likas yaman. Huwag nating hayaang mangyari ito sa ating mga syudad.
Sumainyo ang Katotohanan.