10,539 total views
Homiliya sa Pyestang San Roque, 16 Agosto 2924, Mateo 25: 31-40
Isang art work ang tumawag-pansin sa akin minsan. Gawa ito sa brass o tanso, hugis-taong nakaupo sa isang park bench, dinadaan-daanan ng mga tao. Minsan tinatabihan siya ng mga gustong magselfie kasama siya. Malungkot ang dating ng sculpture na ito—anyo ng isang lalaking bukod sa nakaupo ay nakayuko nang mababa ang ulo, nakapatong ang mga siko at kamay niya sa hita niya, nakaangat ang balikat, nanlulupasay o nanlulumo ang dating na para bang pasan ang mundo. Buo ang hugis ng katawan mula ulo hanggang paa pero butas sa gitna, mula dibdib hanggang tiyan. Kung di ako nagkakamali , ang pamagat ng bronze sculpture ay—“emptiness.” Sa Tagalog— “hungkag”, “walang laman ang loob.”
Ang galing ng gumawa ng eskulturang iyon. Mapapaisip ka talaga sa bagong klase ng epidemyang lumalaganap sa panahon ngayon—ang epidemya ng depression at iba pang mga mental health issues katulad ng anxiety disorder at pagkaalipin sa iba’t ibang klase ng adiksyon. At karamihan sa kanila ni hindi napapansin. Tahimik na nagdurusa, nabubuhay na parang walang layunin, nawalan ng direksyon, nawalan ng kahulugan at ganang mabuhay.
Noong panahon ng drug war ng nakaraang administrasyon, noong simulan ng diocese ang isang programang tinawag nating Salubong, isang community based drug rehab program, marami akong nakausap na mga magulang na humihingi ng tulong para mailigtas ang mga anak nila. Pero umaamin sila na totoong gumagamit ng droga ang anak nila. Ang madalas kong marinig ay ganito—“hindi naman po siya masamang tao, may pinagdaraanan lang.” Alam nila na gusto nilang gumaling, pero di niya kayang mag-isa, kailangan nila ng aalalay sa kanya, kahit makikinig lang sa kuwento nila. Iyung tipong aagapay, hindi manguhusga sa kanila. Sila ang tinuturing kong bumuhay muli sa diwa ng Cofradia ni San Roque. Tinawag natin silang mga Kaagapay.
Kailangang handa tayong makita ang iba’t ibang anyo ng karukhaan at pagdurusa, pati na ang mga sitwasyong nagpapababa sa dangal ng tao, pati na ang mga sakit na mas mahirap hilumin—bukod sa mga sakit ng katawan. Mga Dumaranas ng ibang klaseng pagkagutom, pagkauhaw, pagkahubad, ibang klaseng pagkabilanggo, ibang tipo ng karamdaman. Mga Warak ang puso at isip, nasiraan ng loob, nalilito, naliligaw.
Sumunod pa sa drug war and pandemic na mas lalong nagpatindi noon sa mga mental health issues ng ating mga kababayan. Maraming negosyong nalugi, maraming nawalan ng trabaho, maraming namatayan ng mahal sa buhay. Maraming hindi nakabawi, kahit nang tapos na ang pandemya. Sila ang gusto kong isipin ninyo sa pyestang ito ni San Roque, ang ating huwaran ng malasakit sa kapwa na walang ibang naging inspirasyon kundi ang Panginoong HesuKristo mismo.
Simple lang ang mensahe ng ating mga pagbasa—ang tunay na maka-Diyos sa mundo ay hindi ang marubdob magdebosyon sa mga santo at santa, o masipag magdasal at magsimba, kundi ang taong mapagmalasakit. Magandang salita ito: “mala”,ibig sabihin, “parang”, sakit—-hapdi o dusa. Pag sinabing mala-porselana ang kutis niya, hindi ibig sabihin babasagin. Makinis lang na parang porselana. Malasakit ang tawag natin kapag para bang ramdam mong nasasaktan ka rin pag nakikita mong nasasaktan ang iba, at naliligayahan ka rin pag nakita mong naliligayahan ang iba.
Kasi tutoo naman na kapag natutong magmahal ang tao natututo rin siyang makiramdam. (Maki-kain is to eat with. Maki-ramdam is to feel with.) Malasakit ang tawag pag Ramdam mo ang nararamdaman ng kapwa. Ito daw ang palatandaan ng kabanalan, na ang tao ay nagiging tunay na makaDiyos, sabi ni San Juan sa ating ikalawang pagbasa. Di ba’t ganyan ang pinaramdam ng Diyos kay Moises? Nagpupuyos daw siya pag nakikita niyang inaapi ang mga Hebreong alipin. Sinubukan pa nga niyang takasan doon sa Midian ang ramdam niyang malasakit. Pero doon sa bundok-pinakita ng Diyos kay Moises ang nasa puso niya—isang nag-aalab na apoy na hindi namamatay. Itong apoy ng malasakit—ito rin pala ang matagal nang nag-aalab sa puso niya, at hindi ito siya mapapayapa hangga’t hindi siya sumunod sa pakiusap ng Diyos para sa paglaya ng kanyang bayan.
Ganyan din ang naranasan ni San Roque nang mapadaan siya sa bayan ng Aquapendente na noo’y tinamaan ng matinding salot. Bubonic plague ang tawag dito, galing sa mga daga. Tinutubuan ng mga pigsa ang mga singit at nagiging mga sugat na nagnanaknak, kaya bumabaho sila at hinahayaan na lang silang mamatay. Nakita niya ang kalunos-lunos na sitwasyon ng mga taga roon. Kahit hindi niya sila kaano-ano. Isinantabi niya ang sariling lakad at walang takot na nagboluntaryo na kalingain ang mga tinamaan ng salot hanggang sa siya mismo ay tinamaan na rin. Kaya sa larawan niya pinapakita ang sa gat sa hita niya. Siyempre masagwa naman kung singit niya mismo ang ipakita niya.
Sa ating ebanghelyo, may gantimpala daw na laan sa mga may malasakit: isang sorpresa. Ang pagkamulat na ang dukha, ang nagugutom, ang kapospalad pala na kinalinga ay walang iba kundi si Kristo mismo. Kung kaya nga namang magkatawang-tao ng Diyos sa isang karpinterong taga-Nazareth, kaya din niyang magpakita sa iba’t ibang anyo ng mga nagdurusa—aantigin niya tayo upang mag-alab din sa puso natin ang damdamin niya.
Ang malasakit pala ang tunay na nagpapaganda sa atin, bumabago sa anyo upang sa ating pagkatao ay maaninag ang mukha ng Diyos.