172 total views
Pinayuhan ng Catholic Bishops Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People ang mga overseas Filipino workers (OFW) na umiwas sa iligal na droga na magdadala ng kapahamakan sa kanilang buhay.
Ayon kay Balanga, Bataan Bishop Ruperto Santos, chairman ng komisyon, pinaasikaso nito sa Department of Foreign Affairs (DFA) ang mahigit sa 40 Pilipino na kasalukuyang nakakulong sa UAE o United Arab Emirates dahil sa mga kasong may kinalaman sa ipinagbabawal na gamot.
“Ito nga ay isang nakakalungkot at nakakagambalang balita sa atin. Una sa lahat dapat na tulungan, asikasuhin ng ating DFA ang ating mga kababayan na nasangkot, nahuli sa ipinagbabawal na gamot. Ikalawa ay higit nating higpitan at turuan ang ating mga OFW na mag – ingat at huwag silang makisangkot at huwag gumawa ng mga bagay na magiging dahilan ng kanilang pagkabilanggo at pagkasira ng kanilang kinabukasan. Pagtuunan ng pansin ang kanilang mga mahal sa buhay,” bahagi ng pahayag ni Bishop Santos sa panayam ng Veritas Patrol.
Pinasusuko rin ni Bishop Santos ang mga OFWs sa mga batas nang ibang bansa lalo na sa mahigpit na kampanya sa iligal na droga na siya ring seryosong ipina – iiral sa ating bansa.
“Dapat nilang bigyang pansin kung saan sa pagpunta sa ibang bansa dapat nating sundin at tayo ay maging tapat sa kanilang mga batas. Kung dito sa atin ito ay ang malaking kampanya laban sa ipinagbabawal na gamot. Dapat tayong maging seryoso at sila rin ang ating mga OFWs na maging seryoso, umiwas at sumunod sa batas,” giit pa ni Bishop Santos sa Radyo Veritas.
Napag alamang karamihan sa mga Pilipinong may kaso ay nakakulong sa Abu Dhabi, Dubai at Northern Emirates.
Sa ilalim ng batas sa UAE, umaabot sa 25 taong pagkakulong ang karaniwang parusa sa mga napapatunayang sangkot sa illegal drugs.
Nauna na ring kinundina ng Simbahang Katolika ang pagpapataw ng parusang kamatayan sa mga nagkasalang kriminal dahil naniniwala ito sa “due process.”