10,578 total views
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-01 ng Nobyembre 2024
Salamuch sa mainit na pagtanggap sa ating nakaraang lathalaing nagpapaliwanag sa ilang mga pamahiin sa paglalamay sa patay.
Sa ating pagsisikap na tuntunin pinagmulan ng mga pamahiin sa paglalamay, nakita rin natin ang kapangyarihan ng mga kaisipan ng tao na mahubog ang kamalayan at kaugalian ng karamihan sa pamamagitan ng mga ito.
Ang nakakatuwa po, mayroon namang praktikal na dahilan sa likod ng maraming pamahiin katulad po ng maraming nagtatanong, bakit daw masamang magwalis kapag mayroong patay?
Sa mga katulad kong promdi o laki sa probinsiya inabutan ko pa mga kapitbahay naming nakatira sa kubo at mga sinaunang tirahan na mayroong bubong na pawid at silong sa ilalim. Tablang kahoy ang mga sahig kung mayroong kaya at masinsing kinayas na mga kawayan kung hindi naman nakakaangat sa buhay. Ang silong palagi ay lupa din, mataas lang ng kaunti sa kalsada. Bihira naka-tiles noon. Kaya, masama ring ipanhik ng bahay ang tsinelas o bakya o sapatos kasi marumi mga ito.
Masama o bawal magwalis kapag mayroong lamay sa patay kasi nakakahiya sa mga panauhin na nakikiramay – mag-aalikabok sa buong paligid! Liliparin mga lupa at buhangin kasama na mga mikrobyo.
Marumi, sa madaling salita. Kaya ang utos ng matatanda, pulutin mga kalat gaya ng balat ng kendi o butong-pakwan. Noong mamatay Daddy ko, hindi ko matandaan kung tinupad namin pamahiing ito pero hindi ko malimutan paano nilinis ng mga kapit-bahay aming bahay nang ihatid na namin sa huling hantungan aking ama. Bagaman bawal magwalis noong lamay, asahan mo naman puspusang paglilinis ng mga kapit-bahay at kaanak pagkalibing ng inyong patay.
Kapag ako po ay tinatanong kung “naniniwala” sa pamahiin, “hindi” po ang aking sagot kasi iisa lang aking pinaniniwalaan, ang Diyos nating mapagmahal. Tandaan turo ni San Pablo noon sa marami niyang mga sulat, hindi mga ritual at kaugalian nagliligtas sa atin kungdi tanging si Kristo Jesus lamang.
Bakit lamay o "wake" ang pagbabantay sa patay?
Nakakatawa at marahil mahirap paniwalaan sagot sa tanong na iyan. Ang paglalamay ay hindi pagtulog sa gabi dahil sa mga gawain at gampanin kinakailangang tuparin. Wake ang Inggles nito na ibig sabihin ay “gising” tulad ng awake.
Naglalamay ang mga tao noong unang panahon lalo na sa Europa kapag mayroong namamatay upang matiyak na talagang namatay na nga kanilang pinaglalamayan. Inihihiga ang hinihinalang namatay sa mesa habang mga naglalamay ay nagkakainan at nag-iinuman upang hindi antukin; higit sa lahat, baka sakaling magising at matauhan hinihinalang patay sa kanilang ingay.
Alalahaning wala pang mga duktor noon na maaring magdeklarang pumanaw na ngang tunay ang isang tao; kaya, hindi malayo na may pagkakataong ang mga inaakalang namatay ay nag-comatose lamang. Kapag hindi pa rin nagising sa ingay ng kainan at inuman ng mga naglamay ang patay pagsapit ng bukang-liwayway, ipinapalagay nila noon na tunay na ngang patay iyon at saka pa lamang pag-uusapan ang libing.
Nang maglaon sa paglaganap ng Kristiyanidad, ang lamay na dati ay kainan at inuman, naging panahon ng pagdarasal ngunit hindi rin nawala mga kainan at inuman sa mga lamayan upang huwag antukin. At higit sa lahat, para maraming makiramay na ibig sabihin, mabuting tao namatay.
Mga salita at kaalaman natutunan dahil sa mga patay...
Heto ngayon ang magandang kuwento mula sa kasaysayan kung paanong napagyaman ng mga tradisyon sa paglalamay ng namatay ang ating mga wika maging kaisipan. Kitang-kita ito sa kulturang banyaga tulad ng mga Inggles.
Nagtataka maraming archaeologists sa ilang mga takip ng kabaong sa Inglatera ay mayroong kalmot ng kuko ng daliri. At maraming bahid ng dugo.
Napag-alaman sa pagsasaliksik na may mga pagkakataong nalilibing mga yumao noon na hindi pa naman talagang patay! Kaya, kapag sila ay nagkamalay o natauhan habang nakalibing, pinagtutulak nila ang takip ng kabaong hanggang sa pagkakalmutin upang makalabas hanggang sa tuluyang mamatay na nga sa libingan.
Kaya naisipan ng mga tao noon na magtalaga ng bantay sa sementeryo lalo na mula alas-diyes ng gabi hanggang pagsikat ng araw na siyang pinagmulan ng katagang graveyard shift – literal na pagtatanod sa sementeryo o “graveyard” upang abangan sakaling mabuhay ang nalibing.
Ganito po ang siste: tinatalian ng pisi ang daliri o kamay ng bawat namamatay kapag inilibing. Nakadugtong ang taling ito sa isang kililing o bell sa tabi ng bantay ng sementeryo, yung nasa graveyard shift.
Nakaangat ng kaunti ang takip ng kanyang kabaong at hindi lubusang tinatabunan kanyang libingan upang sakaling magkamalay, tiyak magpipiglas ito sa loob ng kabaong para makalabas… tutunog ang kililing sa gitna ng dilim ng gabi para magising o matawag pansin ng bantay na agad sasaklolo upang hanguin ang buhay na nalibing.
Isipin ninyo eksena sa sementeryo sa kalagitnaan ng dilim ng gabi… at biglang mayroong kikililing? Sinong hindi matatakot sa taong nalibing na biglang nabuhay? Doon nagmula ang salitang dead ringer na ibig sabihin ay isang taong nakakatakot o kakila-kilabot. Ikaw ba namang magtrabao ng graveyard shift sa sementeryo at kalagitnaan ng gabi ay tumunog kililing… marahil magkakaroon ka rin ng tililing sa takot!
Kaugnay din nito, alam ba ninyo na mayroong nakatutuwang kuwento rin ang paglalagay ng lapida sa libingan ng ating mga yumao?
Balikan ang Bagong Tipan ng Banal na Kasulatan na nagsasaad ng isa sa mga pangunahin nating pinananampalatayanan: ang muling pagbabalik ni Jesus o Second Coming of Christ na tinuturing end of the world.
Takot na takot mga unang Kristiyano sa paniniwalang ito na baka wala pa ang Panginoon ay magsibangon kaagad mga naunang namatay sa kanila!
Ang kanilang solusyon, lagyan ng mabigat na batong panakip ang mga libingan tulad ng lapidang marmol upang hindi agad bumangon ang patay bago ang Second Coming of Christ o Parousia.
Isa iyan sa mga dahilan kung bakit sinesemento rin mga puntod at libingan: upang huwag unahan pagbabalik ni Jesus.
Kahalagahan ng pagsisimba... hanggang kamatayan... bago ilibing.
Mula sa tahanan, dumako naman tayo ngayon sa loob ng simbahan para sa pagmimisa sa mga yumao. Pagmasdan po ninyong mabuti posisyon ng mga kabaong ng mga patay kapag minimisahan.
Kapag po layko ang namatay katulad ng karamihan sa inyo na hindi pari o relihiyoso… pagmasdan ang kanilang paa ay nakaturo sa dambana o altar habang ang ulunan ay nakaturo sa mga tao o nagsisimba.
Ito ay dahil sa huling sandali ng pagpasok ng sino mang binyagan sa simbahan, siya pa rin ay nagsisimba. Pansinin na nakaturo kayang mga paa sa altar at ulo naman sa pintuan dahil kapag siya ay ibinangon, nakaharap pa rin siya sa altar, nagsisimba, nagdarasal.
Kapag pari naman ang namatay, katulad ko (punta po kayo), ang aming mga paa ay nakaturo sa pintuan ng simbahan at ulo naroon sa direksiyon ng dambana.
Hanggang sa huling pagpasok naming pari sa simbahan bago ilibing, kami ay nagmimisa pa rin ang anyo: nakaharap sa mga tao kung ibabangon mula sa pagkaposisyon ng aming ulo nakaturo sa altar at mga paa sa pintuan.
Salamuch muli sa inyong pagsubaybay sa ating pagninilay at pagpapaliwanag ng ilang mga pamahiin at paniniwala kaugnay ng mga namatay. Ang mahalaga sa lahat ng ito ay patuloy tayong mamuhay sa kabanalan at kabutihan na naka-ugat palagi sa Diyos sa buhay panalangin (prayer life) na ang rurok ay ang Banal na Misa.
Huwag na nating hintayin pa kung kailan patay na tayo ay siyang huling pasok din natin sa simbahan na hindi makasalita ni makarinig o makakita. Tandaan, ang pagsisimba tuwing Linggo ay dress rehearsal natin ng pagpasok sa langit!
Kaya ngayong todos los santos, unahing puntahan ang simbahan upang magsimba. Tiyak makakatagpo natin doon ang ating yumao sa piling ng Diyos, kesa sa sementeryo napuro patay at mga kalansay. Amen.