227 total views
Ipagdiriwang ng Simbahang Katolika ang 39th Prison Awareness Sunday” sa Oktubre a-30, araw ng Linggo.
Ayon kay Sr. Zeny Cabrera, coordinator ng Archdiocese of Manila Restorative Justice Ministry, ito ay may temang “Lord help us to seek and save the lost.”
“Sa darating na linggo ipagdiriwang ang ‘Prison Awareness Week, at sa October 30, 2016, ang ika-29th year ng pagdiriwang ng Prison Awareness Sunday, ang tema ay umaayon sa mga nangyayari ngayon sa kapaligiran lalo na sa mga preso o kulungan na sinasabi nila. Ito ay may temang “Lord help us to seek and save the lost’ na patungkol sa mga naliligaw ng landas at nangangailangan,” pahayag ni Sr. Cabrera sa panayam ng programang Veritas Pilipinas.
Pahayag ng madre, ang temang ito ay umaayon sa mga nagaganap ngayon sa kapaligiran lalo na sa mga sitwasyon ng mga bilanggo na nasa iba’t-ibang kulungan sa bansa na nangangailangan ng tulong mula sa Panginoon, pamilya at sa lipunan.
Sinabi pa ni Sr. Cabrera na nangangailangan ng tulong ang mga preso lalo na at tila hindi na makatao ang kanilang kalagayan sa mga bilangguan halimbawa na lamang sa usapin ng espasyo.
Sinasabing sa isang kulungan na may kapasidad lamang na 30-50 preso, umaabot sa 100-150 ang inilalagay dito kaya’t maging ang kanilang pagtulog ay naka-schedule na rin.
“Dapat ito ay maging lugar tungo sa pagbabagong buhay ng mga dinadala doon, dapat maihalintulad sa isang ospital na ang mga maysakit inaasahan na gagaling kapag dinala, pagbabago at pag-aayos ng kanilang buhay, pero sa kalagayan natin sa mga kulungan ngayon, ang pinag-uusapan dito ay ang kalagayan na parang hindi na makatao, ang physical condition ng mga bilangguan ay di tumutugon sa makataong pamamalakad dahil unang-una yung isang selda na dapat 30-50 persons lamang ang naroroon ay more than 100-150 ang iniaabot ngayon lahat ng gagawin nila ay monitored dahil by schedule ang kanilang pagtulog, ang higaan nila ay semento, imposibleng bigyan mo sila ng bed kasi wala ngang lugar,” ayon pa sa madre.
Sa record ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), hanggang noong Setyembre ng 2016, nasa 94,320 ang bilanggo sa buong bansa
Una na ring nanawagan ang Kanyang Kabanalan Francisco na ituring ang mga bilanggo na isang normal na indibidwal at i-trato silang makatao lalo na at sila ay nangangailangan ng pang-unawa at pagkalinga.