484 total views
Inaanyayahan ng Minor Basilica of Our Lady of the Rosary of Manaoag ang mga mananampalataya na makibahagi sa makasaysayang pagdiriwang ng pananampalataya sa paggunita sa ika-100 anibersaryo ng Canonical Coronation ng Nuestra Señora del Rosario de Manaoag.
Sa temang “Inang Maria: Crowned in Grace, Calling us to Jesus,” binibigyang-diin ng selebrasyon ang isang siglo ng debosyon at biyaya, habang inaanyayahan ang bawat deboto na magtipon sa panalangin at pagninilay bilang paghahanda sa makasaysayang sentenaryo.
Magsisimula ang Misa nobenaryo mula April 13 hanggang April 21, ganap na alas-4:30 ng hapon, na pangungunahan ng iba’t ibang obispo mula sa iba’t ibang diyosesis.
Kabilang sa mga mangunguna sina Bishop Rafael Cruz ng Baguio, Bishop Daniel Presto ng San Fernando, La Union, Bishop Fidelis Layog ng Lingayen-Dagupan, at Bishop Napoleon Sipalay Jr. ng Alaminos.
Makikiisa rin sa nobena sina Bishop Rufino Sescon ng Balanga, Bishop Samuel Agcaracar ng San Jose, Nueva Ecija, Cardinal Pablo Virgilio David ng Kalookan, Bishop Jacinto Jose ng Urdaneta, at Archbishop Socrates Villegas ng Lingayen-Dagupan.
Sa April 22, 2026, isasagawa ang maringal at makabuluhang selebrasyon, ganap na alas-9 ng umaga ang Pontifical Mass at pagsasariwa sa pagputong ng korona sa imahe na pangungunahan ni Papal Nuncio to the Philippines, Archbishop Charles John Brown, habang magbabahagi ng pagninilay si Manila Archbishop Jose Advincula.
Susundan ito ng Closing Fiesta Mass sa ganap na alas-4 ng hapon na pamumunuan ni Archbishop Villegas.
Ayon sa paanyaya, ang sentenaryong pagdiriwang ay hindi lamang pag-alala sa kasaysayan kundi isang paanyaya sa mas malalim na pagbabalik-loob at panibagong sigla ng pananampalataya.
“In the presence of our Mother, we find the path to her Son.”
Inaanyayahan ang lahat ng deboto na makiisa sa pagdiriwang na inaasahang magpapatibay sa pananampalataya at magbubuklod sa sambayanan sa ilalim ng pagmamahal ng Mahal na Birhen ng Manaoag.






