226 total views
Parami ng parami ang bilang ng mga nagmomotorsiklo sa ating bansa. Sa hirap kasi ng public transport at sa bagal ng traffic sa ating mga syudad, motorsiklo na ang pinakamabilis na alternatibo para sa marami. Miski sa mga probinsya, motorsiklo din ang unang opsyon ng mga tao. Mura lang kasi at kayang makapunta sa mga eski-eskinita, sa bukid, at kahit pa sa mga sa mga rough o muddy terrain.
Sa dami ng mga nagmomotor ngayon, kailangan maprayoridad ang safety o kaligtasan ng mga nagmomotor sa bayan. Habang dumadami kasi ang bilang nila, tumataas din ang bilang ng mga motorcycle accidents. Ayon sa datos ng Highway Patrol Group, nitong unang apat ng buwan ng 2023, umabot ng higit pa sa 4,000 ang mga motorcycle related accidents. Mahigit 8,000 naman ang bilang ng mga motorcycle accidents sa buong 2022. Na-kanino ba ang pagkukulang, kapanalig?
Unang una, kailangan matiyak ng ating lipunan na ligtas ang lansangan para sa lahat. Ang disenyo ng ating kalye ay dapat inklusibo, may espasyo para sa lahat. Hindi lamang dapat nakalaan para sa mga pribadong sasakyan ang mga lansangan.
Pangalawa, kailangan tingnan natin ang ating mga road policies. Komprehensibo ba ito? Inklusibo ba ito? Naisa-alang-alang na ba nito ang mga pagbabago na ating nakikita sa ating mga drivers, commuters, at mga uri ng behikulo na gamit ng ating mga mamamayan?
Kailangan ding tingnan ang kaalaman at kamalayan ng ating mga drivers at riders ukol sa pagmamaneho, traffic signages, pati sa road safety. Sa ibang mga bansa, may mga driver education programs para sa mga kabataan at may kaakibat ito na mga mahabang oras o araw na classroom instruction pati hands-on training. Dito sa ating bansa, mga pribadong negosyo ang nag-o-offer ng driver education, pero pagdating sa motor, mas kanya-kanya na lang ang diskarte ng tao.
Kapanalig, kailangan nating mabago ito. Napaka-iresponsable nating lipunan kung tayo ay nagpapabayang magparami ng mga riders at drivers ng hindi naman natin natitiyak ang kanilang kaligtasan sa ating mga lansangan. Ito ay pampublikong isyu na nangangailangan ng agarang solusyon.
Ang road safety kapanalig, ay para sa kabutihan ng balana, at responsibilidad nating lahat. Kahit anong ingat mo, kung hindi naman maingat ang mga kasabayan natin sa kalye, lagi pa rin tayong at-risk. Ayon nga sa Gaudium et Spes: Hindi dapat sarili lamang natin ang ating iniisip. Upang ating maisakaturaparan ang panlipunang katarungan at pagmamahal sa balana, kailangan nating mag-ambag sa kabutihan ng lahat ayon sa ating kakayahan at sa pangangailangan ng iba.
Sumainyo ang Katotohanan.