8,217 total views
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, ika-11 ng Marso 2025

Kuwaresmang-kuwaresma mga pangyayari sa araw na ito pagkaraan ng mahabang panahong pagpapakasakit, pagdurusa at pagkamatay ng marami Pasko ng Pagkabuhay nabanaagan para sa mga pinaratangang nanlaban, natokhang.
Sa lahat ng larawang nakintal sa aking isipan at alaala ng madilim na nakaraan ito ang hindi ko malimot-limutan: diumanong pusher nanlaban nang patayin sa gitna ng lansangan tangan-tangan ng kasintahang umiiyak, humihiling sila ay tulungan.
Lahat ay nagdiriwang sa pagkakadakip ng berdugong ipinagyabang kapirasong kapangyarihan lahat minura at hinamak Diyos at Santo Papa maging si Obama maliban sa mga amo niya sa China ngayon ibig niyang takbuhan ngunit nagpahayag na wala silang pakialam.
Sila ngayon ang nanlalaban sigaw amng katarungan na kanilang tinapakan at niyurakan tapang-tapangan naglahong daglian mga salitang binitiwan ayaw nang balikan kanilang sukatan sila ngayon ang nilapatan tinimbang ngunit kulang na kulang.
Busilak ng kinabukasan maari pa ring asahan sa gitna ng karimlan dahil itong kasamaan mayroong hangganan katulad ay pintuan kinakatok upang pagbuksan kapag tinanggihan tokhang ang kalalabasan.
Dalangin ko sana'y wala nang sumunod manunungkulang bukambibig ay puro kamatayan, mga birong kasamaan at kalaswaan bayan huwag nang magpalinlang landas ng katarungan at karunungan tanging sundan.
*Basahin ang kuwento ng kumuha ng naturang larawan, si G. Raffy Lerma upang madamang muli malagim nating nakaraan, https://www.raffylerma.com/blog-1/2016/12/22/the-story-behind-the-viral-photo.






