7,571 total views
Muling ipinapaalala sa mga mananampalataya ang kahalagahan ng panalangin, disiplina, at kawanggawa bilang bahagi ng paghahanda sa Pasko ng Pagkabuhay.
Sa homiliya ni Fr. Rey Reyes, SSP na ginanap sa Veritas Chapel, binigyang-diin niya ang tatlong pangunahing haligi ng Kuwaresma: ang pananalangin, pag-aayuno, at pagbibigay ng tulong sa kapwa.
“Ngayong Kuwaresma, bawasan natin ang ating oras sa paggamit ng gadgets at social media. Sa halip, italaga natin ang mas maraming sandali sa pananalangin at pakikipag-ugnayan sa Diyos,” ayon kay Fr. Reyes.
Hinikayat din ang publiko na maging mas disiplinado sa kanilang pamumuhay. “Sa panahong ito, suriin natin ang ating mga ari-arian. Kung mayroon tayong mga bagay na hindi na natin kailangan, ipagkaloob natin ito sa mas nangangailangan. Napakaraming pamilya ang salat sa pagkain at pangunahing pangangailangan, kaya’t huwag tayong mag-atubiling magbigay,” dagdag ng pari.
Bukod sa pananalangin at sakripisyo, binigyang-diin din ang paggawa ng mabuti sa kapwa. “Ngayong Kuwaresma, maglaan tayo ng oras upang dalawin ang mga may sakit, alalahanin ang ating pamilya, at tumulong sa ating komunidad. Hindi natin kailangang hintayin ang isang tao na mawala bago natin iparamdam ang ating pagmamalasakit,” paalala pa ni Fr. Reyes.
Sa gitna ng pagiging abala ng buhay, nananawagan ang Simbahan sa mga mananampalataya na gamitin ang panahon ng Kuwaresma bilang pagkakataon upang mas mapalapit sa Diyos at magbahagi ng pag-ibig sa kapwa.