5,645 total views
Naniniwala ang social action arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na napapanahon na upang harapin ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang kanyang pananagutan sa marahas na implementasyon ng kampanya laban sa ilegal na droga sa bansa.
Ito ang binigyang diin ni Caritas Philippines President, Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo kaugnay sa paglabas ng arrest warrant ng International Criminal Court (ICC) laban sa dating Pangulo sa kasong war against humanity.
Ayon sa Obispo na siya ring chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Social Action, Justice and Peace, ang tunay na katarungan ay walang kinikilingan sapagkat walang sinuman ang mas nakahihigit sa batas.
Paliwanag ni Bishop Bagaforo, ang katarungang panlipunan ay nangangahulugan ng pagbibigay proteksyon sa karapatan ng bawat mamamayan at pagpapanagot sa sinumang magsantabi sa karapatang pantaong tinataglay ng bawat isa.
“For years, former President Duterte has claimed that he is ready to face the consequences of his actions. Now is the time for him to prove it… True justice is not about political allegiance or personal loyalty—it is about accountability, transparency, and the protection of human dignity. We urge Duterte to uphold his own words and submit himself to the legal process.” Bahagi ng pahayag ni Bishop Bagaforo sa Radyo Veritas.
Naniniwala rin si Caritas Philippines Vice President, San Carlos Bishop Gerardo Alminasa na marapat lamang na managot ang lahat ng mga may kaugnayan at sangkot sa marahas na implementasyon ng War on Drugs ng nakalipas na administrasting Duterta upang mabigyan ng katahimikan, at katarungan ang bawat biktima at kanilang mga naiwang mahal sa buhay.
Iginiit rin ni Bishop Alminaza na mahalagang magkaisa ang lahat upang matiyak na hindi na muling mauulit pa ang paglaganap ng karahasan at pagsasantabi sa karapatang pantao ng mamamayang Pilipino.
“These killings were not random; they were part of a policy that violated the fundamental right to life… The families of the victims deserve truth, reparations, and justice. As a nation, we must ensure that such crimes never happen again.” Ayon kay Bishop Alminaza.
Paliwanag pa ng Caritas Philippines kinakailangang seryosohin ng pamahalaan ang pagtutok at pagbibigay proteksyon sa karapatang pantao ng bawat mamamayan lalo’t higit ang pagkakaroon ng patas na katarungang panlipunan para sa lahat.
Matatandaang una na ring nanawagan ang Simbahan at mga human rights group sa kasalukuyang administrasyong Marcos na tuluyang isantabi ang marahas na War on Drugs ng nakalipas na administrasyong Duterte at makibahagi sa imbestigasyong isinasagawa ng ICC upang bigyang katarungan ang mga biktima ng karahasan.
Sa tala ng United Nations Human Rights Council (UNHRC) aabot ng halos 9,000 – katao ang nasawi sa ilalim ng War on Drugs ng administrasyong Duterte habang sa tala ng iba’t ibang human rights organizations sa Pilipinas ay sa mahigit 20,000 ang mga nasawi.