3,144 total views
Inaresto ngayong umaga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang dating Pangulong Rodrigo Duterte matapos ihain ng mga awtoridad ang warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC) para sa kasong crime against humanity.
Ganap na 9:20 ng umaga nang lumapag sa Maynila ang eroplanong Cathay Pacific CX 907 mula Hong Kong, lulan si Duterte at ang kanyang grupo.
Pagdating sa paliparan, agad silang sinalubong ng mga opisyal ng INTERPOL Manila, National Bureau of Investigation (NBI), at Philippine National Police (PNP) upang ipatupad ang utos ng ICC.
“Sa kanyang pagdating, inihain ng Prosecutor General ang ICC notification para sa isang arrest warrant sa dating Pangulo para sa krimen laban sa sangkatauhan. Ang dating Pangulo at ang kanyang grupo ay nasa mabuting kalusugan at sinuri ng mga doctor ng gobyerno. Sinigurado na siya ay nasa maayos na kalagayan,” ayon sa pahayag ng Malacañang.
Inihain ng Prosecutor General ang opisyal na abiso ng pag-aresto sa dating pangulo, ayon sa inilabas na opisyal na pahayag ng Malacanang.
Ayon sa mga awtoridad, ang dating Pangulo at ang kanyang grupo ay nasa mabuting kalusugan at isinailalim sa medical check-up ng mga doktor ng gobyerno upang tiyakin ang kanilang kalagayan.
Upang matiyak ang transparency, tiniyak ng PNP na ang mga opisyal na nagpatupad ng warrant ay may suot na body camera upang maitala ang buong proseso ng pag-aresto.
Sa kasalukuyan, si Duterte ay nasa kustodiya na ng mga kinauukulan habang inaasahang isasagawa ang mga susunod na legal na hakbang kaugnay ng kanyang kaso sa ICC.