7,072 total views
Nagpasalamat si Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo sa mapayapang pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte ngayong March 11.
Ayon sa Obispo, masisimulan na ang imbestigasyon na dapat ay matagal ng maidaos upang malaman ang katotohanan hinggil sa mga ipinag-utos na ipatupad ng dating pangulo.
Napananahon narin ang pag-aresto sa bisa ng Arrest Warrant ng International Criminal Court (ICC) kay Duterte ayon sa Obispo dahil matagal ng naantala o halos walang paggalaw ang mga imbetigasyong hinggil sa madugong War on Drugs at paglabag sa karapatang pangtao ng dating admnistrasyon.
“Matagal na nating hinahantay yan na pananagutan niya, hindi naman ibig sabihin na inarrest si Duterte na siya ay may kasalanan, pero inarrest siya kasi dapat imbestigahan ang nangyari at sa Pilipinas nga, yung ating korte matagal ng nangyayari wala ng imbestigahan, kaya kailangan nang pumasok nung International Court para mag-imbestiga, Kaya salamat at ngayon nahuli na siya at kaniyang pananagutan yung mga sinasabi, hinahamon niya na hulihin na daw siya, ngayon pananagutan niya at dito natin makikita kung tama ang kaniyang ginawa o hindi o marapat panagutan kung mali, yun po dapat ang demokrasya na walang tao na above the law, na lahat ay dapat sumagot sa lahat ng banta sa kaniyang ginagawa,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Bishop Pabillo.
Sinabi din ng Obispo na mabisa ring pagpapakita ng tunay na demokrasya ang naging pag-aresto kay Dating Pangulong Rodrigo Duterte kung saan maaring makamit ang katarungan ng mga naging biktima ng nakalipas na admnistrasyon.