235 total views
“Hinihimok tayo ng kasalukuyang sitwasyon ng ating kapaligiran na agarang kumilos ngayon upang maging mas responsableng tagapangasiwa ng nilikha ng Diyos. Tinatawag tayo nito na ibalik sa dating anyo ang kalikasan na matagal na nating sinisira at sinasamantala. Kung hindi natin gagawin ito, nanganganib tayong sirain ang mismong batayan ng ating buhay. Nanganganib tayo sa baha, gutom, at madilim na kinabukasan.” Kapanalig, ang mga katagang ito ay bahagi ng mensahe ni Pope Francis sa paglulunsad ng United Nations Decade on Ecosystem Restoration.
Ang ating kalikasan ay dumadanas ng matinding krisis na tila walang katapusan. Ayon sa United Nations Environment Programme (UNEP), ang natural ecosystems sa buong mundo, ang ating mga karagatan at taniman, ay mabilis na nasisira. Hindi na sapat ang pagtitipid sa pag-gamit ng resources o conservation, kapanalig. Kailangan na natin ng restoration o panunumbalik. Ang ating kasalukuyang way of life ay gumagamit ng natural na resources na sobra pa sa kayang ibigay ng ating mundo. Ang ating consumption ay katumbas na ng 1.6 Earths. Tinatayang pagdating ng 2050, katumbas na ng dalawang mundo—2 Earths—ang ating pag-gamit ng natural resources.
Kapanalig, ang nature restoration ay kritikal sa ating kasaysayan ngayon. Ang ating pagkamit nito ay buhay para sa atin at sa susunod pang mga henerasyon. Pag ating napa-numbalik ang kalikasan, ating matitiyak ang survival ng sangkatauhan.
Ang isa sa unang magagawa ng ating estado ay ang paglalatag ng mga nature-positive investments: mga proyekto na magpapa-prioritize ng panunumbalik ng ating kalikasan. Halimbawa, kapanalig, sa mga infrastructure projects ng bayan, dapat laging nakahabi ang mga nature positive elements. Kailangan green at efficient ang mga ito. Dapat na nating talikuran ang mga uri ng development na taliwas sa takbo ng kalikasan. We have to build with nature, kapanalig, not against it.
Ang reforestation ay isa ring proyekto na maari nating palawagin ngayon. Ayon sa UNEP, ang reforestation kahit sa agroforesty lamang ay may potensyal na itaas ang food security para sa 1.3 billion na tao. Ang reforestation kapanalig, ay hindi lamang tutugon sa kakulangan sa food security, ito rin ay malaking tulong para sa mabilis na pagbaba ng temperatura ng daigdig.
Ang nature restoration din kapanalig ay katarungan—katarungan lalo na sa mga maralita na siyang unang biktima ng pagkasira ng kalikakasan. Ito ay katarungan para rin sa mga bansang gaya ng Pilipinas na unang biktima ng mga epekto ng climate change. Ito ay katarungan para na rin sa mga kabataan ngayon at sa mga isisilang pa na namumulat sa mundong sirang-sira na.
Kapanalig, sana’y dinggin natin ang hamon ng ating panahon. Our world is on a dangerous path. At kapag hindi tayo kikilos, ang mga bansang mahihirap, gaya ng Pilipinas, ang isa sa unang makakaramdam ng hagupit ng kalikasan.
Sumainyo ang Katotohanan.