196 total views
Dapat lamang ibalik sa taong bayan ang kayamanang sinasabing ninakaw ng pamilya Marcos.
Ayon kay CBCP – Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People chairman at Balanga Bataan Bishop Ruperto Santos chairman ng komisyon, hindi nangangahulugan na dahil naihimlay na ang mga labi ni dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani ay tuluyan na ring lilimutin ang mga kaso na kinakaharap ng pamilyang Marcos lalo sa kanilang tagong – yaman.
“Hindi ibig sabihin na nailibing na, nalibing na lahat ang kaso at pagkakamali at pagkukulang. Hindi ibig sabihin nailibing na, nalimutan na. Puwede pang ipaglaban at dapat ipaglaban at bawiin at ibalik. Alam naman na kung saan ang unang katungkulan sa pagpapatawad ay ‘pagbabayad puri.’ Sa pagpapatawad dapat may reparation o pagbabayad puri at ito ang dapat nating gawin na kung saan ipagpatuloy na makamit ang katotohanan. Ipagpatuloy na makaranas ng katarungan,” bahagi ng pahayag ni Bishop Santos sa panayam ng Veritas Patrol.
Iginiit pa ni Bishop Santos na bahagi ng pagkakamit ng kapatawaran ay ang pagbabayad puri o “reparation” lalo na sa mga ninakaw na yaman ng pamilya sa taumbayan at doon lamang manunumbalik ang lubos na pagpapatawad sa nagawang korapsyon noong panahon ng rehimeng Marcos.
Paliwanag pa ng obispo, sa ganitong pamamaraan lamang makakamtan ang katarungan ng halos 70,000 tao na ikinulong, 34,000 biktima ng torture at mahigit 3,000 napatay noong taong 1972 hanggang 1981.
“Ito ay pera ng bayan at dapat ibalik sa bayan at dapat gastusin sa bayan. Ang pera ay dapat ibigay sa tao at dapat ang buhay ng tao ay maging maginhawa, maging makabuluhan, maging mapayapa sa pamamagitan ng pera. Hindi tayo alipin ng pera at yung pera na iyon nakakamal sa korapsyon sa katiwalian ay dapat ibalik. Gaya nga ng sinabi na walang katarungan, walang kapayapaan, walang kapatawaran kung hindi tayo magbabayad puri dapat nating pagsisihan hindi lamang pagsisihan bagkus ibalik natin ang nagawa, nakuha ang nanakaw at doon lang tayo magkakaroon ng katarungan at kapayapaan,” giit pa ni Bishop Santos sa Radyo Veritas.
Nabatid na ipinapakita ng Operation Big Bird ang halos bilyong dolyar na ill – gotten wealth na tinatayang $213 milyonr o P10.16 na bilyon na itinago ng Marcos Family sa Swiss Bank upang matiyak na hindi ito mahahawakan ng gobyerno.
Magugunitang umabot sa 10, 000 katao mula sa mga Catholic Schools and Universities sa NCR o National Capital Region ang nagka – tipon – tipon sa harapan ng People Monument noong gabi matapos patagong mailibing ang labi ng dating diktador sa Libingan ng mga Bayani noong nakaraang Biyernes.