63,060 total views
Kapanalig, ang salitang “NINGAS-COGON” ay tumutukoy sa ugaling Pilipino … Masigasig at masipag sa simula lamang, ngunit walang natatapos sa kalaunan (NEVER TO FINISH WHAT THEY STARTED).
ANG “NINGAS-COGON” AY karaniwang maihalintulad sa mga “hearing in-aid of legislation” ng Kongreso na binubuo ng Mababa(Kamara) at Mataas(Senado) na Kapulungan ng Kongreso.
Kadalasan, ang Kongreso ay inaakusahang “chamber of grandstanding, personal vendetta, business, self-interest, Kangaroo court, media mileage?
Kapanalig, bakit nagiging “Ningas-Cogon” ang Kongreso? Dahil, ang kapangyarihan ng Kongreso ay “to legislate laws”… wala itong kapangyarihan na maghain ng kaso sa korte, mag-prosecute ng mga napatunayang nagkasala sa kanilang imbestigasyon o hearing in-aid of legislation.
Ibig sabihin sa ikakatagumpay ng kongreso, upang hindi magiging “ningas-cogon” ang kanilang imbestigasyon ay nararapat “insync” sila ng Department of Justice, Office of the Ombudsman at Sandiganbayan.
Kapanalig, naalala niyo pa ba ang multi-bilyong pisong PDAF scam o Priority Development Assistance Fund scam? Kinasasangkutan ito ng mga Senador, mga opisyal ng gobyerno, mga Kongresista at pinaka-sentro ay ang tinaguriang PDAF queen na si Janet Lim-Napoles. Nakulong sa kasong corruption si Senador Juan Ponce-Enrile, Senador Ramon Bong Revilla Jr., Jinggoy Estrada gayunman ng magpalit ng kapangyarihan o bagong pangulo ng Pilipinas, sila ay napawalang sala.
Milyun-milyong piso ang ginagastos sa isang malawakang imbestigasyon o in-aid of legislation na isinagawa ng Kamara at Senado. Ang pondong ginagastos dito ay mula sa buwis na ibibayad nating mga Pilipino na dapat pahalagahan.
Sinasaad sa Compedium of the Social Doctrine of the Church, “Corruption radically distorts the role of representative institutions, because they are used as an arena for political bartering between clients’ requests and governmental services. In this way political choices favour the narrow objectives of those who possess the means to influence these choices and are an obstacle to bringing about the common good of all citizens” (No. 411).
Ipinaalala sa mga mananampalataya ng Ephesians 5:11 na “Take no part in the unfruitful works of darkness, but instead expose them.” …
Kapanalig, umaasa tayong mga Pilipino na manaig ang katarungan at katotohanan at hindi maging “ningas-cogon” lamang ang kasalukuyang imbestigasyon o in-aid of legislation hearing ng Quadcom o apat na komite ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na binuo ng House Committee on Dangerous Drugs,Public Order and Safety, Human Rights, and Public Accounts sa usapin ng Extra-Judicial Killings (EJK’s) at inquiry sa Philippine offshore gaming operators (POGOs) sa bansa.
Isinasangkot sa EJKs ang dating pangulong Rodrigo Duterte, Senador Bato dela Rosa at mga sindikato ng droga habang sa POGO ay inaalam ng kongreso ang mga kasabwat ng pinatalsik na si Bamban, Tarlac mayor Alice Guo na kasalukuyang nakakulong sa Pasig City Jail Female Dormitory.
Kapanalig, patuloy tayong maging mapagmatyag, maging bukas ang isipan sa pagsusulong ng katotohanan.
Sumainyo ang Katotohanan.