59,540 total views
Mga Kapanalig, nasubukan na ba ninyong bumili ng gamit sa Facebook? Kahit hindi pa, siguradong nakakita na kayo ng samu’t saring bagay na ibinebenta sa social media app na ito. Sa Facebook na rin kasi nagnenegosyo ang ibang tao, sa lawak ba naman ng naaabot ng mga posts dito.
Kaso, sa sobrang daling mag-post sa Facebook, may mga taong nakalulusot at nakagagawa ng krimen dito. Noong nakaraang linggo, dalawa ang inaresto ng mga pulis matapos mahuling nagbebenta sila ng sanggol gamit ang Facebook. Isa sa mga inaresto ay ang nanay mismo ng bata. Katwiran niya, ginawa lamang niya ito upang gumanda ang buhay ng sanggol. Hindi niya raw siya kayang buhayin, dahil hindi sila sinusuportahan ng tatay ng sanggol. Ibinenta ng kasama niyang inaresto, na isang ahente, ang kapapanganak pa lamang na sanggol sa halagang ₱90,000; ₱50,000 ang mapupunta sa nanay.
Ayon sa National Authority for Child Care (o NACC), may 40 na Facebook pages ang binabantayan nila dahil sa ilegal na pagpapaampon ng mga bata. Ang iba pa raw sa mga ito, nasa sinapupunan pa lamang ng nanay ang sanggol, ibinebenta na. Bagamat sinulatan na ng NACC ang Facebook noong nakaraang taon tungkol sa isyung ito, hinihintay pa rin daw nila ang tugon nito.
Paalala ng NACC sa mga nais mag-ampon: may legal na proseso ang pag-aampon. Wala ring kailangang bayaran na fees para dito. Sinisiguro din ng NACC na tugma, o fit, ang isang bata at ang mag-aampon sa kanya. Para naman sa mga nais ipaampon ang kanilang anak, may tinatawag na voluntary commitment of child. Sa prosesong ito, ipinapasa ng magulang ang parental authority sa Department of Social Welfare and Development (o DSWD) o sa mga organisasyon at institusyong nag-aalaga ng mga bata.
Kung hindi dadaan sa tamang proseso ng pag-aampon, hindi masisigurong ligtas ang isang bata sa kanyang pupuntahang magulang at pamilya. Sa Facebook, dahil walang nagba-background check sa mga bumibili ng bata, may panganib na ang batang aampunin ay maabuso o mapwersa sa mga ilegal na gawain gaya ng child pornography at child labor.
Gayahin sana natin ang nangyari sa kuwento ni Moises. Noong inutos ng Faraon na itapon sa ilog ang mga ipanganganak na lalaking Hebreo, gumawa ng paraan ang kanyang ina upang iligtas siya. Pagkatapos niyang ilagay si Moises sa isang basket sa tabi ng ilog, ang kapatid na babae ni Moises, sabi sa Exodo 2:4, ay “tumayo sa ‘di kalayuan upang tingnan kung ano ang mangyayari.” Sa ganitong paraan, tiniyak ng kanyang pamilya na hindi siya malalagay sa panganib.
Sa panahon ngayon, ang pagbabantay ng kapatid ni Moises sa kanya ay maisasagawa rin sa pamamagitan ng pagsunod sa legal na proseso ng pag-aampon. Sa pangaral ni Pope Francis na Amoris Laetitia, binigyang-diin niya ang mga patakaran sa pag-aampon upang maiwasan ang pag-abandona sa mga bata.
Mga Kapanalig, ang ating mga anak ay hindi mga gamit na pwedeng ibenta nang basta-basta sa ibang tao. Huwag sanang mangyaring ang mga magulang pa ang unang hindi kumilala at gumalang sa mga karapatan at dignidad ng kanilang anak. Sundin natin ang tamang proseso ng pag-aampon at pagpapaampon. No to “baby for sale”!
Sumainyo ang katotohanan.