507 total views
Mga Kapanalig, nakababahala ang resulta ng isang pag-aaral ng United Nations Children’s Fund (o UNICEF) na nagpapakitang ang mga batang Pinoy ay mas kumakain ng matatamis, maaalat, at matatabang pagkain sa halip na mga masusustansyang pagkain.
Ayon sa report na pinamagatang Children’s lived experience of the food environment, nakaaapekto ang kapaligiran ng mga bata sa uri ng pagkaing pinipili nila. Isa lamang sa apat na batang Pinoy edad 13 hanggang 17 ang kumakain ng gulay nang tatlong beses sa isang araw. Samantala, mahigit isa sa bawat apat naman ang umiinom ng softdrinks araw-araw. Ang pagkain ng hindi masusustansyang pagkain ay sanhi ng tatlong problemang pangkalusugan: ang malnutrition (partikular ang kakulangan ng nutrisyon o undernutrition), micronutrient deficiencies, at pagiging overweight.
Samantala, sa inilabas na survey ng Social Weather Stations (o SWS) na isinagawa noong Disyembre 2022, kakaunti lamang ang kumakain ng home-produced o galing mula sa mga tanim o alagang hayop sa kanilang bakuran. Pitong porsyento ng pamilyang Pilipino ang home-produced ang kanilang pagkain. Gaya ng inaasahan, matatagpuan sila sa kanayunan o rural areas. Sa parehong survey ng SWS, lumalabas na isa sa bawat 10 pamilyang Pilipino ang nakaranas ng gutom dahil wala silang makain. Ito ang tinatawag na involuntary hunger.
Bagamat hindi nagdudulot ng kagutuman ang hindi pagtatanim o hindi pag-aalaga ng hayop para sa sariling pagkain, nakita rin sa survey ng SWS na mas maraming pamilyang hindi nakaranas ng gutom ang nagsabing sarili nilang tanim o alaga ang pinanggalingan ng kanilang pagkain sa mesa. Ibig sabihin, maaaring malabanan ang gutom sa pamamagitan ng pag-home produce ng mga pagkain, lalo na sa mga lugar na maraming nagugutom. Kailangan nila ng suporta upang makapagtanim o makapag-alaga ng sarili nilang hayop.
Inilunsad ng pamahalaan nitong nakaraang buwan ang Philippine Multisectoral Nutrition Project upang labanan ang malnutrisyon. Mayroon itong sampung bilyong pisong pondo upang magpatupad ng mga programang pangkalusugan sa 300 na munisipalidad. Sa paglulunsad ng programa, sinabi ni Pangulong BBM na kinikilala ng kanyang administrasyon ang pangmatagalang epekto ng malnutrisyon ng mga bata sa pag-unlad ng ating bansa. Aniya, kailangang lutasin ang malnutrisyon upang malabanan ang negatibong epekto nito sa pagkatuto at pagiging produktibo ng kabataang Pilipino sa hinaharap.
Napapanahon ang hakbang na ito ng pamahalaan upang palakasin ang nararapat na pagtugon sa kakulangan ng nutrisyon. Gaya ng sinabi ng UNICEF, paglabag sa karapatang pambata ang malnutrisyon dahil mayroon itong pangmatagalang epekto sa kalusugan at pag-unlad ng bawat bata. At sa kabuuan, may epekto ito sa kanyang magiging ambag sa lipunang kanyang kinabibilangan. Mahalagang bigyang-diing hindi lamang ito pamumuhunan sa nutrisyon ng bawat bata; pamumuhunan din ito sa pag-unlad ng populasyon na siyang pundasyon ng pag-unlad ng ating bansa.
Naniniwala ang ating Santa Iglesia na mahalaga ang pagkamit natin ng tamang nutrisyon. Nakalulungkot na hindi ito nangyayari sa maraming lugar. Sa mensahe ni Pope Francis sa World Food Day noong 2019, ipinalala niyang ang hindi tamang nutrisyon ay hindi lamang bunga ng mga bagay na sobra o excess kundi bunga rin ng mga kakulangan o deficiencies. Ang mga kakulangang ito ay bunga ng mga hindi patas na access sa pagkain lalo na ng mga kapatid nating dukha.
Mga Kapanalig, biniyayaan tayo ng Diyos ng mga halaman at hayop upang tayo ay mabuhay. Kaya naman, maging maingat dapat tayo sa pagkonsumo nang mapakinabangan natin ang nutrisyon mula sa mga prutas, gulay, at isda. Dapat din tayong maging mabuting ehemplo sa mga bata, kahit pa sa pagkain ng masusustansyang pagkain. Sa ganitong paraan, wika nga sa 1 Corinto 10:31, nagagawa nating gawin ang lahat—pati sa pagkain at pag-inom—sa ikararangal ng Diyos.”
Sumainyo ang katotohanan.