372 total views
Sumentro sa pagkilala kay Maria bilang Ina ng sangkatauhan ang ikalimang taon ng Patron of the Arts Musicial: An Evening with the Cardinal na ginanap sa Meralco Theater.
Sa ilalim ng temang Maria The Most Beautiful Sound, dinaluhan ng libu-libong mananampalayata, pari, madre at mga seminarista ang taunang konsiyerto na pinangunahan ng Arkidiyosesis ng Maynila katuwang ang Jesuit Communications (JesCom) Foundation Inc.
Sa kanyang mensahe, inihayag ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle na ang pagsasabuhay ng pag-ibig na unang ipinamalas ni Maria ang tanging magiging tanglaw upang matamo ang kapayapaan sa isang lipunan na nababalot ng kadiliman, tukso at hindi pagkakaintindihan.
“We must find our way back to what is simple and true, that justice and peace can only achieve their fullest version in our society and in our world when we inform our actions with love… Our beloved Mother Mary has shown us that when we choose to love, when we choose charity, when we choose mercy we are made into the instruments of our Lord and we are able to wield his power here on Earth,” pahayag ni Cardinal Tagle.
Samantala bilang pagbibigay-pugay sa kadakilaan ng mga ina, kinilala bilang 2017 Patron of the Arts Awardee ang batikang direktor na si Laurice Guillen dahil sa kanyang natatanging kontribusyon sa mundo ng paggawa ng pelikula na nakasentro sa pagmamahal ng Diyos sa tao.
Ayon kay Guillen, si Maria ang kanyang naging inspirasyon sa bawat obra na kanyang ginagawa na tunay na daan patungo sa kaharian ng Diyos mula sa mundong maraming nagpapanggap na diyos-diyosan.
“Magtiwala kay Mama Mary at maging bukas ang loob sa mga pagkakataon na binibigay N’ya sa atin na makatulong sa iba, magmahal ng kapwa tulad ng pagmamahal niya kay Hesus. When I say na maging bukas sa mga pagkakataon, I never really aggressively went out of my way to accomplish things or prove my devotion, or prove my love with God. It’s really just nagtitiwala lang talaga ako dahil nakatalaga ang buhay ko sa Kanya. Siya na ang gagawa ng pagkakataon at ang kasagutan lang mula sa akin is to say yes,” ani Guillen
Tampok sa selebrasyon ang mga tanyag na performers sa larangan ng pag-awit tulad ni Noel Cabangon, Frenchie Dy, Menchu Lauchengco-Yulo at Poppert Bernadas kung saan ang pondong malilikom ay susuporta sa Mother-in-Crisis, isang organisasyon na tumutulong sa mga inang nagdurusa mula sa kahirapan.
Naging hudyat naman ng pagtatapos ng konsiyerto ang ‘You’ll Be in My Heart’ at ‘When You Believe’ song number ni Cardinal Tagle kasama si JesCom Executive Director Fr. Nono Alfonso at mga tauhan ng dula.




