683 total views
Kapanalig, ang ating mundo ay mabilis na nagbabago. Kung hindi tayo marunong yumakap ng inobasyon, adaptasyon at pagbabago, hindi tayo makakasulong.
Ang bilis ng teknolohiya sabay ng pagbabago ng klima ay nagdadala ng maraming hamon sa ating buhay, kahit pa nasaang ibayo ka ng mundo. Ang teknolohiya ay nagbago na ng ating araw araw na buhay. Binago na nito ang ating trabaho. Marami ng mga posisyon ang nalikha ngayon na ni hindi natin napangarap noong nakaraang mga taon. Sino ba ang nag-aakala na mangangailangan tayo ng mga eksperto gaya ng social media specialists, app developer, data miner, o big data architect?
Ang climate change din kapanalig ay humuhulma na ng ating buhay. Sa pag-init ng mundo, ang ating food production, ay naapektuhan. Ang pabago-bagong klima, ang lumalakas na mga bagyo, ang humahabang tagtuyot, at ang mga mahabang panahon ng pag-ulan ay nagdudulot ng mga sakuna na malaki ang pinsala sa mga sakahan.
Ang mga natural disasters na gaya nito ay malaki rin ang hamon sa pang-araw nating buhay dahil hindi lamang food production ang kanyang napipinsala. Malaking banta rin ito sa ating buhay, sa syudad man o rural. Kahit ulan lamang ngayon, dahil sa lakas at haba nito, ay kaya ng bahain ang mga syudad, at i-disrupt o balubagin ang buhay ng tao. Kaya ng nitong bahain ang mga sakahan sa sandaling panahon lamang.
Sa panahon ngayon, napakahalaga ng inobasyon at adaptasyon o pagbagay sa panahon. Higit pa sa kalahati ngayon ng populasyon ng mundo ang nakatira sa mga syudad. Sa mga syudad, kapanalig, mas ramdam ang pagbabago ng teknolohiya, pati ang epekto ng climate change. Ayon nga sa earthday.org, habang lumalaki ang urban population at lumalala ang epekto ng climate change, kailangan nating mag-adapt o maki-ayon. Kailangan nating mamuhunan para sa energy efficiency at renewable energy. Kailangan nating isaayos ang ating mga syudad.
Ang Metro Manila, kapanalig, ay isang mega city na kailangan ng revival at rehabilitasyon. Ang dami ng sasakyan sa EDSA kada araw ay hindi lamang traffic ang dulot. Dala din nito ay carbon emissions na nagpapalala ng climate change. Dala rin nito ay polusyon na sumisira sa ating kalusugan. Ayon sa sa datos ng MMDA, 520,000 na sasakyan ang gumagamit ng EDSA kada araw. 160,000 lamang ang kapasidad nito kada isang direksyon. Kung ganito araw araw kapanalig, talo tayo. Mapapag-iwanan tayo.
Kapanalig, tayo ay tinatawag ng Panginoon na maging “Stewards” o tagapamalakaya ng lahat ng nilikha. Bilang stewards, tayo dapat ay mapanuri- discerning ika nga. Sabi nga ng Global Climate Change: A Plea for Dialogue, Prudence, and the Common Good: “True stewardship requires changes in human actions—both in moral behavior and technical advancement.” Ang pagbabagong ito, kapanalig, ayon sa Caritas in Veritate, ay dapat mula sa pagkilala na ang lahat ng nilikha ay mula sa Diyos, at gagamitin lamang natin ito upang responsableng punan ang ating mga lehitimong pangangailangan.