3,683 total views
February 24, 2020 4:59PM
Pinuri ng Greenpeace Philippines ang Antique Provincial Board sa ipinasang ordinansa na nagbabawal sa pagtatayo ng coal-fired power plant sa lalawigan.
Nakasaad sa ordinansa na ipinasa noong ika-21 ng Pebrero ang pagbabawal sa pagtatayo ng mga bagong planta sa Antique at pagbuo ng isang monitoring team na titiyak na walang makakalusot na bagong aplikasyon.
Bibigyan rin ng karampatang parusa ang mga empleyado ng local government ng Antique na magpapahintulot o magbibigay ng go-signal sa pagtatayo ng mga ito.
Matapos ipagbawal ang coal-fired power plants, bubuuin ang Antique Provincial Renewable Energy Council para sa patuloy na pagsusulong sa renewable energy.
Sa panayam ng Radyo Veritas kay Khevin Yu, climate campaigner ng Greenpeace Philippines na umaasa ang grupo na maging inspirasyon ang Provincial government ng Antique ng ibang lugar sa bansa na nag-ooperate ng Coal-fired power plant.
“We laud the Provincial Board [of Antique] for taking this step, and hopefully, this will again inspire other city to do the same and also send a strong signal to the Department of Energy and even ‘yung ibang energy company that the city and the people wants to use a better solution of our energy.” pahayag ni Yu sa Radyo Veritas.
Sa pag-aaral ng Power for People noong 2017 ay mayroon nang 26 na operational Coal-fired power plants sa Pilipinas.
Sa isang pag-aaral naman napag-alaman na bukod sa init na ibinubuga ng mga planta, naglalabas din ito ng mga nakalalasong kemikal tulad ng mercury, lead, arsenic, cadmium, sulphate at nitrate particles na lubhang mapanganib sa kalusugan ng tao.
Unang nanawagan si Diocese of Balanga Bishop Ruperto Santos na itigil na ang pagtatayo ng karagdagang planta sa Pilipinas dahil nasaksihan nito ang labis na pagkasira ng kalikasan at pagkakasakit ng taumbayan.