217 total views
Nagpahayag ng pakikidalamhati at kalungkutan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines o CBCP sa pagbitay ng isang Overseas Filipino Worker o OFW sa Kuwait kahapon.
Sa ipinadalang mensahe sa Radio Veritas ni CBCP President at Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas, buong kalungkutan at pakikiramay ang nais iparating ng Arsobispo sa pamilya ni Jacatia Pawa na biktima ng death penalty.
Ayon kay Archbishop Villegas, ang pakikipaglaban ni Pawa sa kanyang pagiging inosente hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay ay malaking patunay na dapat tutulan ng mga Filipino na maisabatas ang death penalty sa Pilipinas.
Inihayag ng Arsobispo na ang kalungkutan ng buong pamilya ni Pawa na hindi nakakuha ng tamang katarungan ay muling paalala at hamon sa mga Filipno na maging advocate ng pagsusulong buhay at labanan ang kultura ng kamatayan.
“The CBCP condoles most sincerely with the family of the late JACATIA PAWA, our fellow Filipino, who was executed in Kuwait yesterday. The fact that Jacatia protested her innocence to the end of her life only underscores the abhorrence at the death penalty and the sadness that we feel at Jacatia’s death should make us all advocates against the death penalty.”pahayag ni Archbishop Villegas.
Mariin namang nagpahayag ng pagkadismaya sa administrasyong Duterte si Lt. Colonel Angaris Pawa kapatid nang nabitay na OFW dahil dalawang araw lamang nila nalaman bago ang pagbitay.
Binigyang-diin ni Col. Pawa na hanggang sa huling tawag ng kanyang kapatid habang nasa execution room ay inosente siya sa kasong pagpatay sa anak ng kanyang employer noong 2007.
Iginiit ni Col. Pawa na kahit sa huling sandali ay hindi napatunayan ng bansang Kuwait ang kasalanan ng kanyang kapatid dahil ang blood sample sa damit ng biktima ay hindi tumugma sa nabitay na OFW.