157 total views
Muling pinaalalahan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology o PHIVOLCS ang publiko na
pag-aralang mabuti ang mga “earthquake preparedness” na kanilang ipinatutupad.
Matapos ang magnitude 6.3 na paglindol sa lalawigan ng Batangas na naramdaman din sa Metro Manila at iba pang karatig lalawigan, sinabi ni PHILVOCS Director Renato Solidum na mahalagang matiyak na may sapat na kaalaman at kahandaan ang bawat mamamayan sapagkat hindi maaring idetermina kung kailan magaganap ang paglindol.
“Paalala sa ating mga kababayan na yang paglindol ay biglaan at dapat handa tayo. Para naman mapaghandaan natin mabuti ay i-review natin ang mga preparedness at pangunahin siguraduhin na matibay ang mga bahay, building at iba pang imprastraktura na ginagamit natin” pahayag ni Director Solidum sa panayam ng Radio Veritas.
Samantala maging ang Simbahang katolika ay aktibo sa pagsasagawa ng mga preparedness measure upang matiyak ang kaligtasan sakaling maganap ang pinangangambahang malakas na paglindol sa Metro Manila.
Una nang inihayag ni Rev. Fr. Ricardo Valencia, Priest Minister ng Disaster Risk Reduction and Management Program ng Archdiocese of Manila na nais ng Simbahan na magkaroon ng matibay na kominukasyon at kongkretong pagkilos sakaling may maganap na sakuna.
Sa kasalukuyan ay itinatayo na ang ‘Base-Radio Network’ ng mga vicariates sa Archdiocese of Manila upang masiguro ang pagkakaroon ng komunikasyon sakali mang maputol ang linya ng mga mobile phones at telepono para agad na maisagawa ang response sa mga nangangailangan.
Magugunitang pinangangambahan sa Metro Manila ang posibleng paggalaw ng west valley fault na maaring magdulot ng pagkasawi ng may 30 libong katao at mahigit 100 libong sugatan.