467 total views
Nilinaw ni Eligio Ildefonso, OIC-Executive Director ng National Solid Waste Management Commission ng Department of Environment and Natural Resources na matagal nang pinaplano na isara ang Payatas dumpsite dahil sa pagsawalang bahala sa rekomendasyon ng ahensya.
Ayon kay Ildefonse, iminungkahi nilang patatagin pa ang pundasyon ng landfill na hindi pinansin ng mga namamahala sa dumpsite.
“May plan na naisara yan nagtaka din kame kung bakit tinuloy-tuloy pang gamitin. We already called their attention, more than 3 years ago, including yung ni-recommend namin na strengthen yung foundation, hindi rin naman nila ginawa, by strengthening the foundation puwede nyang I-counter act sana yung load na ibaba doon, pero hindi nila ginawa,” pahayag ni Ildefonso.
Dahil dito, irerekomenda na ng DENR na ipasara ng mas maaga ang Payatas dumpsite kumpara sa unang
pag-aaral na maaari pa itong gamitin hanggang sa katapusan ng taon.
“So with all indications and findings the DENR will recommend the permanent closure, mapapaaga yung closure,” dagdag pa ni Ildefonso.
Batay sa pagsusuri ng DENR araw-araw ay tinatayang 4,000 truck ng basura ang nakokolekta sa buong Mega Manila.
Ayon naman sa National Solid Waste Management Commission noong taong 2013 ay 38,092 tonelada
ang nalilikhang basura araw-araw, at sa huling pag-aaral noong 2014, nadagdagan pa ang dami ng basura na nagagawa ng mga tao sa 38,757 tonelada.
Dahil dito, inihayag ni Ildefonso na naghahanap na ng ibang landfill o dumpsite ang DENR at MMDA.
Ilan sa maaari nilang ikonsidera ang Landfill sa Clark, Pampanga; Norzagaray, Bulacan; Montalban at Rodriguez sa Rizal.
Magugunitang sa Laudato Si ni Pope Francis, binigyang diin nito ang kahalagahan ng pag-aalaga sa kapaligiran, at ang pag-iwas sa kultura ng pagiging maaksaya o ang “Throw-away culture” dahil sa kasalukuyan ay unti-unti nang nagmimistulang malawak na tambakan ng basura ang daigdig.