24,930 total views
Nanawagan si Diocese of San Fernando, La Union Bishop Daniel Presto sa lahat ng mamamayan na magtipid sa paggamit ng tubig.
Ayon sa Obispo, bahagya nang nakararanas ngayon ng pagkatuyo ng patubig na pang-agrikultura at mga balon sa ilang bahagi ng kanyang nasasakupang Diyosesis.
Batid din ng Obispo ang nararanasan ngayon na hirap ng mga Filipino partikular na sa ilang bahagi ng Metro Manila dahil sa kawalan ng tubig.
Iginiit ni Bishop Presto na mahalagang maging matipid ang bawat tao at pangalagaan ang kalikasan dahil ito din ang magbibigay ng ating pangangailangan.
“Ako’y nananawagan hindi lang sa mga tagarito sa La Union kun’di sa atin din bilang mga Filipino ang pagtitipid ng tubig lalo na ngayong panahon ng summer ay talagang dapat natin isakatuparan lalo na’t hirap ang source.” Pahayag ni Bishop Presto sa Radyo Veritas.
Umaapela din ang Obispo sa mga mamamayan na kung maaari ay magtanim ng mga puno bilang paraan ng pangangalaga sa kalikasan at sa tubig na mahalaga ngayong dumaranas ng El Niño ang buong Pilipinas.
Ayon kay Bishop Presto, ang pagtatanim ng mga puno ay nakatutulong sa pangangalaga ng tubig lalo na sa bahagi ng mga watershed.
Sinabi ng Obispo na malaking bagay ito sa pagpapanatili ng magandang daloy ng tubig na kinakailangan ng mga tao sa pang-araw-araw na gawain, at sa agrikultura.
“Panawagan din yaong sa mga may malalaking lugar na walang tanim ang puno, magtanim ng puno alagaan natin ang kalikasan sapagkat in return aalagaan din tayo nito kaya nga yung mga protection ng watershed yung pagtatanim natin ng puno yang mga yan, yan naman ay makatutulong upang mapanatili natin ang magandang daloy ng tubig sa ating mga lugar.” panawagan ng Obispo
Sa katapusan ng Marso, 25 lalawigan sa Luzon, 11 sa Visayas at 5 sa Mindanao ang makararanas ng dry spell o dalawang magkasunod na buwan walang ulan.
Sa katapusan naman ng Abril higit kalahati na ng Pilipinas ang makararanas ng Dry Spell at 22 probinsya ang makararanas ng drought o matinding tagtuyot kung saan tatlong magkasunod na buwan walang sapat na ulan.
At sa katapusan ng Mayo 33 probinsya na sa buong Pilipinas ang makararanas ng drought.
Sa Encyclical na Laudato Si ni Pope Francis, nakasaad na bahagi ng karapatan ng bawat tao ang magkaroon ng malinis na pinagkukunan ng tubig.
Sa kasalukuyan bukod sa mga lalawigan na apektado ng tagtuyot, malaking bahagi din ng Silangang bahagi ng Kamaynilaan ang ilang linggo nang walang tubig dahil sa sinasabing water shortage mula sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System.
Nanawagan din si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle na isamang dasalin sa bawat misa ang biyaya ng ulan.