31,678 total views
Pinuri ng Obispo ang aktibong pangunguna ng mga kabataan sa Climate Youth Strike na ginawa sa iba’t-ibang panig ng mundo noong ika-24 ng Mayo.
Ayon kay Diocese of San Carlos Bishop Gerardo Alminasa, Chairman ng CBCP Episcopal Commission on Seminaries na mahalaga ang pakikisangkot ng mga kabataan sa ganitong gawain dahil dito nakasalalay ang mundong kanilang mamanahin.
Binigyang diin ng Obispo na ang kalagayan ng mundong iiwan ng mga nakatatanda ang magdedetermina kung anong uri ng kinabukasan ang makakamit ng susunod na henerasyon.
Iginiit ng Obispo na kung ipagsasawalang bahala ng pamahalaan ang panawagan ng mga kabataan ay sila ang higit na magdurusa sa mga sakunang dulot ng pagkasira ng kalikasan.
“Salamat sa inyong aktibong pakikilahok sa Climate strike natin kase, mahalaga ito, nakasalalay dito yung inyong kinabukasan. Kung hindi tayo pakinggan ng ating mga leaders, ang kawawa talaga ay yung next generation. Kaya nananawagan po ako na sana pakinggan natin ang boses ng ating mga kabataan, kasi sila naman talaga ang kinabukasan, at sana nga marami ang sumama at sumama lalo sa mga gawain na ganito para sa pag-iingat ng ating kalikasan kasi ang pagpapahalaga natin sa ating kalikasan ay pagpapahalaga rin sa ating mga mahal sa buhay.” Pahayag ni Bishop Alminaza sa Radyo Veritas.
Ang Climate Youth Strike ay sabay-sabay na panawagan ng halos 100,000 mga kabataan mula sa iba’t-ibang bansa, at kabilang dito ang Pilipinas.
Nagsagawa ng pagkilos ang mga kabataan sa Tacloban, Bacolod, Pampanga, Ilocos Norte, Negros Occidental, Mindanao, at Maynila.
Layunin nito na bigyang diin sa mga mambabatas at pinuno ng bansa na bigyang halaga at seryosohin ang pangangalaga sa kalikasan, matapos ilabas ng Intergovernmental Panel on Climate Change ang ulat na mayroon na lamang 12 taon para mapigilan ang pagtaas ng temperatura ng mundo.
Kinakailangan na mapanatili sa temperatura na 1.5 degree centigrade ang init ng buong mundo dahil ito ang sealing temperature o ligtas na temperaturang makakayanan ng mga tao upang makapamuhay sa mundo.