25,231 total views
Hinihimok ng Kanyang Kabanalan Francisco sa Encyclical na Laudato Si ang mga pinuno ng pamahalaan na palitan ng renewable energy ang mga fossil fuels upang maibsan ang kakulangan sa kuryente, at mapigilan ang pagkasira ng kalikasan.
Bilang suporta at pakikiisa sa adhikain ng Santo Papa, nanawagan ang Power for People Coalition sa Department of Energy at Department of Environment and Natural Resources na pabilisin ang pagsusulong ng renewable energy sa Pilipinas.
Ito ay kasunod ng kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang gabinete na paunlarin ang renewable energy upang mabawasan ang pagdepende ng bansa sa coal fired power plants.
Ayon kay Gerry Arances, kinatawan ng Murang Kuryente at Power for People, ikinatuwa ng kanilang grupo ang pahayag ng pangulo dahil sa wakas ay mapagtutuunan na ng pansin ang malinis na pinagkukunan ng kuryente.
“Natutuwa po kami dahil sa wakas simula nang mag start ang ating pambansang kampanya kasama ang simbahang katoliko, laban sa dirty, deadly at costly na mga coal plants, on the 3rd year ng presidente Duterte ay inanunsyo ang bagong marching order na i-prioritize ang renewable energy at i-reduce ang dependence natin sa coal.” pahayag ni Arances sa Radyo Veritas.
Samantala, iginiit naman ng grupo ni Arances na kinakailangang maglabas ang Pangulo ng Executive Order upang mapabilis ang pagsusulong sa Renewable Energy.
Matatandaang nito lamang buwan ng Hulyo na aprubahan ang Environmental Compliance Certificate ng 15 Megawatt Coal Fired Power Plant sa Palawan na mahigpit namang tinututulan ng simbahan at mamamayan.
Bukod dito, kabilang din sa mga Coal Plant na nakaamba nang itayo ay ang 1200 MW sa Atimonan Quezon at 300 MW sa Negros Occidental.
Nanawagan ang Power for People sa Department of environment and Natural resources at sa Department of Energy na sundin ang pahayag ng pangulo na pangalagaan ang kalikasan at mahigpit na ipatupad ang batas.